EDITORYAL - Durugin habang maaga ang Mexican drug syndicate
NAKAAALARMA ang sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nasa Pilipinas na ang notorious na sindikato ng illegal na droga sa Mexico. Ayon sa PDEA, ang nahuling 84 kilos ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa isang ranch sa Lipa City ay pag-aari ng Mexican Sinaloa drug syndicate. Ang sindikatong ito umano ang pinaka-madulas at handang pumatay ang mga miyembro. Kayang suhulan ng grupong ito ang mga awtoridad dahil sa dami ng kanilang pondo. Sa Mexico, pinaniniwalaang mas maimpluwensiya ang sindikatong ito kaysa mga mambabatas sapagkat kaya nilang imanipula ang mga ito. Pera ang kanilang pinakikilos. Ang lider ng Sinaloa syndicate ay si Joaquin “El Chapo†Guzman. Nakatakas sa Mexican prison si Guzman at pinaghahanap sa kasalukuyan. Itinuturing siyang numero unong wanted sa US dahil sa dami ng illegal drugs na hinahakot doon. Si Gusman din ang itinuring ng Forbes na pinaka-powerful na criminal sa mundo.
Kung nakapasok na ang Mexican drug syndicate sa bansa, lubhang delikado na ang kinabukasan ng mga kabataan. Ang kabataan ang lagi nang nabibiktima ng illegal na droga. Madaling maakit na tumikim ng bawal na gamot. At bago pa mamalayan ng kani-kanilang mga magulang, lulong na sa droga ang mga anak. Nasira na ang ulo dahil sa pagkahumaling sa droga. Huli na para ipagamot sapagkat pinatigas na ng shabu ang utak.
Kung tiyak na ng PDEA na talagang Mexican drug syndicate ang nasa likod ng nahuling shabu sa Lipa City, ano pa ang hinihintay nila. Habang maaga, durugin na ang mga ito. Kapag hindi nila nagawang supilin ang sindikato, sila ang kokontrolin nito. At tiyak na kayang-kaya ng drug syndicate ang mga awtoridad sapagkat madaling “bilhin†ang mga ito. Pera-pera lang ang katapat.
Marami nang nasayang na buhay dahil sa droga. Hindi lang kabataan kundi pati mga propesyunal --- artista, basketball player, pulis, ay nagiging biktima rin ng bawal na droga. Sana, paigtingin ng PDEA ang kampanya sa sindikato ng illegal na droga.
- Latest