EDITORYAL - Worst airport
NGAYO’Y hindi na kataka-taka kung laging ibiÂnoboto ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang pinaka-worst airport sa mundo. Ngayong 2013, binoto na naman ng travel website Sleeping in Airports ang NAIA bilang isa sa pinaka-worst airport. Noong 2012, binoto na rin ito na isa sa pinaka-worst. Kabilang sa mga reklamo sa NAIA ay ang kawalan ng tubig sa mga comfort room, marumi ang mga suwelo, suplado ang mga personnel, walang mga upuan para sa naghihintay na pasahero at maraming iba pa.
Sa 2014 ay maaari na namang maiboto ang NAIA na pinaka-worst airport dahil walang closed-circuit television (CCTV) sa arrival area. Saan naman nakakita ng airport na walang CCTV? Dahil sa kawalan ng CCTV, hindi nakunan ang pagbaril kay Labangan, Zamboanga del Sur Mayor Ukol Talumpa at tatlong iba pa. Napatay ang mayor at kanyang asawa, pamangkin at isang sanggol. Ayon sa mga nakasaksi, dalawang lalaking naka-uniporme ng pulis at magkaangkas sa motorsiklo ang bumaril sa mayor habang sumasakay sa kotseng sumundo. Pagkaraang barilin mabilis na nakatakas ang mga salarin. Hindi nahabol ng airport police.
Kung mayroon sanang CCTV, baka mayroon ng lead ang pulisya at maaring mahuli ang mga salarin. Pero wala ngang CCTV at wala ring airport police sa lugar kaya madaling naisagawa ang krimen. Iglap lang ay mayroon nang biktima ang mga mamamatay-tao.
Pero sabi ng NAIA management nasa labas na raw ng arrival area nangyari ang krimen. Ibig sabihin, hindi na sakop? Sabi pa ng NAIA naka-alerto naman daw ang kanilang mga pulis. Kung nakaalerto, bakit nakatakas ang mga mamamatay-tao?
Nakakahiya ang nangyari na nagkaroon ng pamamaril sa NAIA at may mga namatay. Malaking kasiraan na naman ito sa NAIA at maaring magdulot ng takot sa mga turista. Hindi sila secure sa bansang ito sapagkat sa airport pa lamang ay nakakapasok na ang mga criminal. Paano pa kung nasa destinasyong lugar na sila? Kailan kaya magkakaroon ng pagbabago sa NAIA?
- Latest