Magbibilang na lang ba tayo ng mga biktima?
HALOS kalalabas lang ng balita ng isa na namang walang katuturang pamamaril sa isang inosenteng tao, bata pa man din, eto na naman at may nabaril muling inosenteng biktima. Isang 17-taong gulang na babaing pasahero ng isang tricycle ang napatay sa Quezon City. Ang nangyari ay tumatawid ang suspek na si Jason Bagalacsa, nang daanan siya ng isang tricycle na mabilis ang takbo. Nakipagtalo si Bagalacsa sa drayber ng tricycle. Biglang bumunot ng baril ang suspek at namaril sa direksyon ng tricycle. Tinamaan ang pasaherong babae, patay. Mabuti at may dumadaang pulis at hinuli ang suspek.
Nang malaman kung sino siya, may kaso palang homicide kung saan nahatulan na siya sa Tabaco, Albay. Kasalukuyang pugante pala na nagtatago sa Manila. Bukod diyan, may testigo pang lumutang at nagturo na siya rin ang namaril sa isang pulis noong Nobyembre nitong taon. Patong-patong na kaso sa taong ito, pero hindi mahuli-huli? Nahuli na lang nang makapatay ng isa pang tao, inosenteng mag-aaral na babae. Palalayain pa ba ang ganitong klaseng tao? Baka naman makatakas pa at makapatay pa muli sa ibang lugar?
Hindi ko rin masikmura ang kanyang disposisyon nang mahuli na ng pulis. Nakatawa pa. Nang itanong kung saan galing ang kanyang baril, sumagot lang na paltik lang daw iyon. Paltik man o hindi, may saysay pa ba iyon kung nakapatay na? At gaano ba kadali makabili ng paltik na baril ng ganitong klaseng tao?
Nakakatakot isipin kung ilang mga tulad ni Bagalacsa ang malayang gumagala sa lansangan, kasama na ang hindi pa matukoy na namaril sa batang babae noong isang gabi. Ilang mga armadong tao ang maaaring katabi mo lang sa mga mall, sa mga tiangge, sa mga pasyalan ngayong kapaskuhan. At ngayong papalapit na ang pasko kung saan tila nagmamadali na ang lahat, isama mo pa ang napakatinding trapik, hindi malayo na may humatak na naman ng kaduwagan sa dalang baril at manakit, o makapatay muli ng isang inosenteng biktima. At wala na naman magagawa ang mga otoridad para mapigilan ito. Hindi ba’t panahon para palawigin na rin ang gun ban, kahit hindi eleksyon? O bibilangin na lang natin ang mga inosenteng biktima, na tila pabata na nang pabata?
- Latest