Riot sa Singapore?
MARAMING taga-Singapore ang nabigla noong Lunes ng umaga, nang makita ang mga sunog na sasakyang nagkalat sa kalsada. Mga bakas ng naganap na riot sa Little India Linggo ng gabi. Kilala ang Singapore para sa kanilang mahihigpit na batas, disiplinadong mamamayan at malinis na lugar. Ang Singapore rin ang isa sa mga bansang may mababang bilang ng krimen sa mundo. Kaya nang magising ang maliit pero maunlad na bansa, hindi sila makapaniwala sa mga kaganapan. Kaganapan na hindi nangyari sa loob ng apat na dekada.
Ang naging mitsa ng gulo ay ang pagkamatay ng isang trabahador na taga-India, nang masagasaan ng isang pribadong bus sa Little India. Bigla na lang nagkagulo at naging marahas ang mga umano’s taga-India rin na mga trabahador. Inatake ang bus, sinunog nila ang mga sasakyan, pati mga sasakyan ng mga pulis na rumesponde kaagad sa gulo. Nagbatuhan, nagsigawan. Isang testigo ang nagpahayag na maliwanag na maraming mga lasing sa mga nanggulo. Tumigil lang sila nang dumating ang mga commandos para kontrolin ang sitwasyon. Nang huminahon ang lahat, 27 trabahador mula Silangang Asya ang arestado. Ayon sa mga pulis, nasa 400 ang bilang ng mga nanggulo.
Siyempre, dahil tila nasira ang imahe ng Singapore sa nangyaring gulo, nangako ang gobyerno na paparusahan nila ang mga nagpasimuno ayon sa kanilang batas. Kasama na diyan ang pagkakulong at “caningâ€, o ang paghagupit sa pamamagitan ng mala-baston na aparato. Ganito ang parusa sa Singapore. Ilang banyaga ang nakatikim na rin ng ganitong parusa, dahil sa paglabag sa mga batas. At siyempre hindi makakalimutan si Flor Contemplacion, na nabitay noong 1995 dahil sa kasong pagpatay.
Malinis na muli ang Little India. Ganun kabilis kumilos ang Singapore. Ganun kabilis kumilos ang mayaman na bansa. Pero marami na ang nagtatanong kung bakit naganap ang riot, lumaki at naging marahas nang mabilis, na tila handa na sila para sa isang gulo at naghintay lamang ng tilamsik para masindihan ang mitsa. Dahil sa sobrang higpit ng Singapore, naipon na lang ba ang lahat ng kanilang galit, kanilang poot? May ginagawa bang pagsupil ang gobyerno ng Singapore sa mga OCW mula sa ibang bansa na hindi alam ng mundo? Ito ang mga tanong na siguradong gustong malaman ng buong mundo, dahil sa lakas ng turismo ng Singapore. Gustong malaman kung ligtas pa rin katulad ng dati, o kasama na rin ba ng buong mundo sa larangan ng krimen at karahasan?
- Latest