Dapat lang
GRABE ang batikos na inaani ngayon ni Kim Jacinto Henares at ng kanyang Kagawaran sa pagsingil kay Manny Paquiao ng mga utang nitong buwis. Nagsumbong sa bayan si Pacman dalawang araw matapos ang kanyang pinagpipiyestahang panalo kay Brandon Rios sa Macau. Iniipit daw ng gobyerno ang kanyang mga deposito. Lumalabas tuloy na pulitika na naman ang umiiral dahil, gaya ng napuna ng lahat, si Manny ay kontra partido ng Presidente. Sabi ng mga praning hindi kasi binanggit ni Manny si P-Noy matapos ang kanyang laban. Si VP Binay at si Pres. Erap ay kapwa niyang pinasalamatan.
Sa paliwanag ng BIR, hindi nila hinintay na manalo si Manny bago itong singilin. Ayon sa rekords na puwede namang kilatisin ng media, July 1 pa lang ay lumabas na ang order na iniinda ni Manny. Kaya hindi masasabi na nananadya si Kim at hinintay lang na matapos ang laban.
Hindi pinagtatalunan kung mayroon nga bang dapat bayaran si Manny. Gaya ng lahat ay dapat din siyang magbayad ng tamang buwis. Maaari lang kaltasin sa kabuuang babayaran ang anumang buwis na nauna nang ibinayad sa ibang hurisdiksyon. Sa pagkakataong ito, iginigiit ni Manny na nagbayad na siya ng malaking buwis sa Amerika sa taong 2008 at 2009 kaya hindi na siya dapat singilin ng BIR. Ang problema ay hanggang ngayon ay wala siyang maiprisintang pruweba na nakapagbayad nga siya. Tanging sulat ni boxing promoter Bob Arum na nagpapatotoo na nagbayad nga ng buwis si Manny at isang Xerox ng aniya’y income tax return ng binayaran daw niyang buwis sa Amerika. Ang kaso’y parehong hindi maaring tanggapin ang mga ito bilang sapat na patunay ng pagbayad.
Hindi dapat umatras ang BIR sa kanilang misyon na sumingil nga ng buwis kung merong pananagutan si Manny. Ang batas ay para sa lahat. Ang premyo ni Paquiao sa panalo ay ang cash prize at ang kanyang hati sa kita, hindi ang pribilehiyong huwag makiisa sa pagbayad ng buwis para sa gastusin ng kanyang pamahalaan. Sa pagkakataong ito ay mas malaki ang maitutulong ni Manny sa kanyang mga nasalantang kababayan kung magbayad na lang ng tamang buwis at maging magandang halimbawa para tularan ng lahat.
- Latest
- Trending