First-aid: Ano ang gagawin?
KAPAG ikaw ay nakakita ng isang sakuna, alam mo ba kung ano ang gagawin? Tutulong ka ba, o tatawag ka ng saklolo?
Sa artikulong ito, ibabahagi ko ang mga alituntunin ng pagresponde sa isang aksidente:
1. Mag-isip ng plano at maging kalmante. Huwag pabigla-bigla sa mga desisyon.
2. Una, pag-isipan kung makahihingi ka ng saklolo sa iba. Ang tamang proseso ay ang pagbilin sa ibang tao na maghanap siya ng tulong, bago mo tulungan ang biktima. Sa ganitong paraan, siguradong mayroong tumatawag ng ambulansiya o pulis, habang tinutulungan mo ang biktima.
3. Tingnang maigi ang kapaligiran ng aksidente at baka may mga peligro dito. Tingnan kung may kuryenteng naputol o gas na tumagas. Kung kayo ay nasa kalye, maglagay muna ng harang sa daanan at baka kayo masagasaan. Protektahan ang sarili.
4. Kapag nagawa mo na ito, magbigay ng medikal na tulong kung marunong ka nito. Ngunit kung hindi ka marunong ay huwag mo nang piliting maggamot at baka mapahamak pa ang biktima.
5. Bilang first-aid, puwede mong luwagan ang kurbata o sinturon ng biktima. Baka naipit din ang kanyang paa o kamay.
6. Magbigay ng pag-unawa (comfort) sa biktima. Kausapin siya at pakalmahin sa pamamagitan ng pagsabi na darating na ang tulong. Samahan ang biktima habang wala pa ang rescue team.
7. Kapag may ipagbibilin ang biktima, tulad ng pagtawag sa kamag-anak o pag-ingat sa kanyang gamit, puwede mo siyang tulungan dito.
8. Kapag dumating na ang ambulansya o pulis, puwede mo nang ihabilin ang sitwasyon sa kanila.
9. Kapag naresolba na ang sitwasyon, kumausap ka ng isang kaibigan para makuwento mo ang nangyari. Makatatanggal din ito ng stress sa iyo.
10. Magdasal na maging matagumpay ang iyong pagtulong sa biktima.
Sa mga susunod na panahon, subukang mag-aral ng Basic Life Support at pagbibigay ng First Aid. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng kumpiyansa sa sarili at makatutulong ka pa sa iyong kapwa. Good luck po!
- Latest