EDITORYAL - DTI, magbantay sa mga mapagsamantala
KAHIT saang lugar at kahit sa anong sitwasyon ay lumulutang ang mga mapagsamantala. Kahit sa mga napinsalang lugar ng bagyong YoÂlanda ay tiyak na may magsasamantala lalo ang mga negosyanteng mukhang pera. At ang mga ito ang nararapat na bantayan ng mga taga-Department of Trade and Industry (DTI). Kawawa naman kung mapapagsamantalahan pa ang mga biktima ng Yolanda. Nawalan na nga sila ng mahal sa buhay at nawasak ang tahanan ay baka pagsamantalahan pa ng mga gahamang negosyante.
Tiyak na gagawa ng paraan ang mga gahamang negosyante kung paano kikita nang malaki sa mga biktima ng kalamidad. Papatungan nang malaki ang mga tindang bigas, sardinas, asukal, kape, mantika at iba pang pangunahing pangaÂngailangan.
Ganundin naman ang presyo ng mga construction materials. Tiyak na papatungan nila ang presyo ng semento, bakal, yero, kahoy at iba pang kailangan para makapagtayo ng bahay. Sa dami ng mga nasirang bahay sa maraming bayan sa Leyte, Samar, Cebu, Capiz at iba pang lugar sa Kabisayaan, tiba-tiba ang mga mapagsamantalang negosyante kapag hindi sila natutukan ng mga taga-DTI. Huwag sanang makalusot sa mga awtoridad ang mga tusong negosyante. Dakmain sila at sampahan ng kaso.
Ayon sa batas ang sinumang mahuhuling nagbeÂbenta nang mas mataas sa rekomendadong presyo sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda ay papatawan ng multang P1 milyon at makukulong ng 10 taon. Ayon sa DTI, walang kapatawaran na ipagkakaloob sa mga mahuÂhuling nagho-hoard at nagbebenta sa mataas na presyo. Hinihikayat naman ng DTI na isumbomg ng publiko sa mga awtoridad ang mga nagtataas ng presyo ng bilihin para maaaksiyunan.
Mas maganda naman kung sorpresang bibisiÂtahin ng DTI ang mga tindahan sa napinsalang lugar. Magpanggap silang mamimili para agad mabisto ang mga mapagsamantala.
- Latest