Kuntento ba kayo?
Dumalo na si Janet Lim Napoles, ang itinuturong utak ng P10 bilyon pork barrel scam sa hearing ng Senado noong Huwebes. Tanong ko: Kuntento ba kayo sa kanyang mga sinabi, o hindi sinabi, o hindi alam, o hindi maalala, o hindi kilala, o ang kanyang pagdeklara ng right against self-incrimination? Pati ang panayam ko sa kanya ay hindi maalala! Ano ba yan!
Binanggit ko sa aking kolum kahapon na puwedeng humingi ng executive session si Napoles, tulad ng ginawa ni Romulo Neri, pero hindi siya pinaunlakan ng Blue Ribbon Committee ng Senado, kahit sensitibo pa umano ang kanyang gustong sabihin. Pero nang magsimula na ang pagtatanong sa kanya, wala nang narinig ang bansa kundi hindi niya alam, hindi niya naaalala, at wala siyang kasalanan. Kung ganun pala at wala siyang alam at kasalanan, para saan pa ang executive session? Higit anim na oras inabot ang pagtatanong sa kanya ng mga senador, pero naging malinaw na wala siyang sasabihin hinggil sa mga paratang sa kanya nina Benhur Luy.
Tingin nang marami, si Napoles ang lumabas na angat sa naganap sa Senado. May mga nagsasabing niloko lang niya ang mga senador. Bakit nga naman siya magsasalita na puwedeng gamitin para siya makulong nang matagal? Dito na pumasok si Sen. Miriam Defensor Santiago, at nagbago na ang takbo ng pag-iisip ni Napoles. Ipinaliwanag sa kanya ang pagkakaiba ng sagot na hindi niya alam, at ang right against self-incrimination, na siyang naunawaan naman ni Napoles kaya iyon na ang laging sagot sa mga senador. Pero, sa aking palagay ay mas naging malinaw sa taumbayan kung sino ang nagsasabi ng totoo, at sino ang nagsisinungaling.
Hindi ko sasabihing walang napala ang Senado sa pagpunta ni Napoles. Wala ngang sinabi si Napoles na makakapagbigay linaw sa PDAF scam, na pinagkakaabalahang tutukan ng buong bansa. Sa totoo lang, marami na rin siyang nasabi sa kanyang hindi pagsalita. Pero hindi naman ang Senado ang magsasabi kung sino ang may sala o wala. Ang kanilang trabaho ay lumikha ng mga batas para mas maging maayos ang takbo ng gobyerno at lipunan. Malinaw na may mga butas ang proseso para magamit ang PDAF ng mga mambabatas. Dapat makalikha ng mga bagong batas para matakpan ang mga butas na ito, at hindi na maibulsa ang pondo ng bayan.
- Latest