EDITORYAL - Kailan matututo ang PNP?
MARAMING kinasasangkutang kontrobersiya ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP). At iyan ang dahilan kung bakit mababa ang tingin sa kanila ng mamamayan. Walang ibang nagpaparumi sa kanila kundi sila na rin. Binabatikan nila ang sarili. Marami sa kanila ang sangkot sa masamang gawain --- hulidaper, mangongotong, corrupt, protector ng masasamang loob, abusado at pati pagiging tamad.
Katulad na lamang ng walong pulis sa Muntinlupa na sinibak sa puwesto noong nakaraang linggo dahil laging absent at late sa trabaho. Sinibak sila ni NCRPO chief Marcelo Garbo. Sorpresa umanong bumisita sa isang police community precinct si Garbo at nadiskubre ang mga tamad.
Marami rin sa mga pulis ang abusado. Ilang linggo na ang nakararaan, isang pulis sa Quezon City na nakilalang si SPO3 Enrique Galapate, 54, ang sinampahan ng kasong physical injury, alarm and scandal at dalawang counts ng grave threats. Ayon sa report, nagtungo sa isang vulcanizing shop si Galapate at inutusan ang dalawang lala-king attendants na palitan ang gulong ng kanyang sasakyan. Nang matapos ang pagpapalit sa gulong, nagdemand ng bayad ang mga attendant. Nagalit si Galapate, na noon ay lasing at binunot ang baril nito. Nagtakbuhan umano sa takot ang dalawang attendants. Lalong nagalit si Galapate at walang habas na pinaputukan ang dalawang attendant. Hindi tinamaan ang dalawa pero isang matandang babae na noon ay nasa kanyang bilyaran ang tinamaan. Nasa kritikal na kalagayan umano ang matandang babae. Tumakas ang abusadong si Galapate pero nahuli rin. Sisibakin na umano sa puwesto si Galapate.
Sa halip na alagaan at ingatan ang imahe, inilublob nila sa marumi. Kaya nga hindi masisisi ang taumba-yan kung maging mababa man ang pagtingin at wala nang respeto sa mga alagad ng batas sa kasalukuyan. Kadalasan, makita lamang ang asul na uniporme ng pulis ay masama na ang iniisip Sabi nila, kung ikaw daw ay nangangailangan ng biglaang tulong, huwag kang tatawag ng pulis sapagkat lalo kang mapapahamak. Iwasan ang pulis sapagkat hindi ka maililigtas.
Marami na ring hepe ng pulis ang sinibak dahil sa “pagdoktor†sa mga nangyaring krimen sa kanilang nasasakupan. Binabawasan umano ng mga hepe ang mga nire-report na krimen.
Kailan matututo ang mga miyembro ng PNP? Kakahiya sila!
- Latest