Huwag tabunan si Mr. ‘Porky’
HAYZZ naku! Sangrekwang isyu ang nagsusulputan at tila nalilihis ang atensyon natin sa P10-billion pork barrel scam. Huwag naman sanang tabunan ang mga kasong plunder na inihain sa mga kinauukulang opisyales na sabit sa eskandalong ito.
Isa sa mga bagong isyu ang pagpapaaresto ng San-diganbayan kay Comelec Commissioner at dating Isabela Governor Grace Padaca dahil sa hindi niya pagsipot sa arraignment ng kasong graft na nakabinbin sa korte. Agaw-atensyon din ang aksyon ni Senate prexy Frank Drilon sa pagpalabas ng Senate Resolution na nagbibigay poder kay Pangulong Noynoy Aquino na ilipat sa Presidential Calamity Fund ang natitirang pondo sa pork barrel ng mga senador upang magamit para sa mga biktima ng lindol.
Pero ang sabi naman ni House Speaker Sonny Belmonte “pointless and just for show†o walang saysay ang ginawa ni Drilon. Hindi kasi ito puwedeng gawin ng Senado nang walang katulad na counterpart move ang Kamara de Representante. Isa pa, pinigil din ng Korte Suprema ang pag-release ng pondo dahil sa isang petisyong humihiling na ideklarang unconstitutional ang pork barrel.
Umalingawngaw din ang matitinding banat kay Ma yor Leoncio Evasco Jr. ng Maribojoc, Bohol nang palayasin niya ang mga tauhan ng Red Cross porke ayaw niyang ipaubaya sa samahan ang pamamahagi ng relief goods para sa mga biktima ng lindol.
Nagtangka rin ang ilang grupo na kaladkarin sa putikan ang buong hudikatura dahil sa pagbebenta umano ng ilang huwes sa kanilang desisyon sa mga kasong kanilang dinidinig. Kagagawan daw ito ng isang “Ma’am Arlene†na malakas na influence peddler sa mga korte. Sabi ng iba, ang atake sa hudikatura ay paninira laban sa isang kandidato sa pagkapangulo ng Philippine Judges Association. Layunin daw ng special ops na ilihis ang atensyon ng publiko sa isyu ng P10-billion pork barrel scam.
Matatandaang naghain na ng kasong plunder ang Department of Justice laban sa mga sangkot dito, kasama na ang tatlong senador na sina Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada. Katunayan nga, hiningi na ng Department of Justice sa Department ofg Foreign Affairs na kanselahin ang pasaporte ng mga nasasangkot, kasama na ang tatlong Senador.
Sa lahat ng mga malalaking isyu, iisa lang ang puwedeng sabihing hindi imbento at iyan ay ang lindol sa Central Visayas. Ok lang magkaroon ng bagong usapin basta’t huwag lang malilihis ang atensyon ng publiko sa isyu ng “pork.â€
- Latest