^

PSN Opinyon

‘Pinulutan’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

SA INUMAN kung sino ang wala sa umpukan siya ang tampulan ng kantiyawan at biruan. Ang tawag ng mga kanto boy… pinupulutan.

“Kapag nag-iinuman ba kayo laging ako ang pinag-uusapan ninyo?” tanong ni “Federico”.

Mula sa Cabanatuan, ika-03 ng Oktubre 2013, tumawag sa aming programa sa radyo, ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” si Federico Ando, 48 anyos para ikwento ang pangyayaring naganap sa kanilang lugar.

Mula sa tiyan ni Federico, bumulwak ang papaitan (nilutong lamang loob ng kambing na may mapait na sabaw) matapos saksakin ng kainumang si Antonio Ferrer, dating gwardiya sa Department of Public Works and Highways (DPWH)-Nueva Ecija.

Ang ginamit na panaksak… ‘colonial’ , pangkatay ng baboy.

Parehong taga Bantug Bulalo, Cabanatuan City sina Federico at Antonio. Magkumpare sila sa anak ng isang kaibigan. Magkatrabaho rin sila kaya’t madalas sila rin ang magkainuman.

Ika-10 ng Hulyo 2012, 6:00 ng gabi, dumating siya sa bahay ni Juanito Valino Jr. Naabutan nilang nag-iinuman ang bayaw nitong si Reynaldo Dar at Antonio... Nakisali sila ni Juanito sa inuman.

Ilang sandali nagpaalam na si Reynaldo at iba pang kasama. Naiwan sila ni Juanito at Antonio na nagtatagayan. Habang nag-iinuman nagkwentuhan ang tatlo.

Dahil malakas na ang tama ng alak, nag-umpisa na umanong magsalita ng hindi maganda itong si Antonio.

 â€œPare, Yung anak mo ang bata-bata pa… nag-asawa na ‘di mo man lang napakinabangan…” sabi raw ni Antonio sa kanya.

Ang tinutukoy ni Antonio ay ang anak daw nilang babae na nag-asawa sa edad na 18 anyos. Nagpanting ang tenga ni Federico sa panghihimasok ng kumpare. “Bakit nadadamay ang anak ko dito?” sabi ni Federico.

Nagkapalitan ng masasakit na salita ang dalawa. “Tuwing nag-iinuman ba kayo at wala ako, ako ba pinagkukwentuhan ninyo?” tanong ni Federico.

Matigas daw na sagot ni Antonio, “Oo!”

“Eh, tsismoso pala kayo e! Ako pala pinupulutan niyo? Kalala­king niyong tao!” ani Federico.

Biglang tumayo sa pagkakaupo si Antonio at umalis sa mesa. Ilang sandali  bumalik itong  may dala ng pang taga. Sinugod siya at sinabing, “P*7@#6 !#@ mo! Papatayin kita, Matira matibay sa atin!” sabay saksak.            

Ika-8 ng Oktubre 2013, nagsadya sa amin ang asawa ni Federico na si Rita Ando.  Bitbit ang mga dokumentong may kinalaman sa kaso ng mister.

 Base sa salaysay na binigay ni Federico sa Pulisya ng Cabanatuan sa pagtatanong ni SPO1 Jun de Guzman, ika-11 ng Agosto 2013: Nakaiwas siya sa unang saksak ni Antonio.“Inawat siya ni Juanito ngunit ‘di siya napigil at muli niya akong sinugod… at sinaksak,” ayon sa salaysay.

Dito na siya tinamaan sa ibabang tagiliran ng dibdib.  Nakaramdam na siya ng pagkahilo at tuluyang bumagsak.   

Mabilis na tumakbo si Antonio sa akalang patay na si Federico. Sinugod naman sa ospital ang biktima. Base sa Medical Certificate nito mula The Good Samaritan Health System--Burgos Avenue, Cabanatuan City, pirmado ni Dr. Alejandro R. Garcia,MD: Diagnosis, stab wound (L) Chest, Mid Axillary penetrating the thoracic and Abdominal Cavities.

Tumagos ang saksak mula dibdib papunta sa kanyang tiyan. Nagkaroon ng dalawang butas ang bituka ni Federico. Kinailangan siyang maoperahan.

“Sinabi na ng doktor na kritikal ang kundisyon ng asawa ko, 50-50 daw ang tsansa niyang mabuhay,” pagbabalik tanaw ng asawang si Rita.

Nagkaroon ng impeksyon sa dugo si Federico subalit maswerte pa rin siyang nakaligtas sa maselang operasyon.

Paglabas sa ospital, nagsampa siya ng kasong Frustrated Homicide laban sa kumpare sa Prosecutor’s Office, Cabanatuan City.

Tumestigo para sa kanya ang noo’y kasama sa inuman na si Juanito. Ayon sa kanya matapos iwasan ng biktima ang unang saksak ni Antonio naawat niya ito subalit nagwala siya at nagpumiglas kaya’t nagawa niyang muling sugurin itong si Federico hanggang sa tamaan ito sa tagiliran.

Nagkaroon ng pagdinig ang kasong sinampa ni Federico. Nakitaan ng ‘probable cause’ ng taga-usig ang kaso para maisampa sa Korte.

Ika-9 ng Nobyembre 2012, ibinaba ng RTC- Judicial Region, Branch 30, Cabanatuan City ang ‘Warrant of Arrest’ (WOA) para kay ANTONIO FERRER para sa kasong ‘Frustrated Homicide’. Pirmado ito ni Presiding Judge Virgilio G. Caballero. Halagang Php24,000 ang nirekomendang piyansa.

Mula ng mailabas ang warrant of arrest, nagtago na itong si Antonio ayon sa mag-asawang Ando. Ito ang dahilan ng pagpunta sa amin ni Rita. Gusto niyang masulat ang sinapit ni Federico kasama sa larawan ni Antonio.

Itinampok namin ang kwentong ito sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM/ Sabado 11:00-12:00NN)

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ‘Frustrated Homicide’ ang kasong sinampa kay Antonio dahil ayon na rin sa kwento ni si Federico, bago pa siya nito saksaksakin nagsalita pa ito. Ibig sabihin nagkaroon siya ng pagkakataong depensahan ang sarili. Maliban na lang kung nakatalikod siya ng saksakin, dito papasok ang ‘treachery’ o pataksil.

Sa salaysay na binigay ng testigong si Juanito, nabanggit niyang inawat niya ito subalit pumalag at sinaksak pa rin si Federico. Balak niya talagang tuluyan subalit siya’y nabigo (Frustrated Murder). Ganun pa man matapos timbangin ng ‘Investigating Prosecutor’ nakita niya ang elemento na nagkaroon ng pagkakataon na umiwas matapos umalis sa mesa na galit. ‘Di siya tinamaan nung unang saksak at maari naman siyang tumakbo para humingi ng tulong. Naglabas ng ‘resolution’ ang ‘prosecutor’ para sa kasong ‘Frustrated Homicide’. 

Ang pakiusap ngayon ni Federico mahuli na itong kumpare. Narito ang kanyang litrato. Sa mga nakakaalam kung nasaan si Antonio Ferrer, maaring makipag-ugnayan sa aming mga numero sa ibaba. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City­State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Tumawag sa 6387285 / 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

ANTONIO

ANTONIO FERRER

CABANATUAN CITY

FEDERICO

FRUSTRATED HOMICIDE

JUANITO

PARA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with