Nakasisindak man kailangang sabihin
NAPAKAHIRAP diskartehan sa pagsulat ang mga balita sa kalamidad lalu na kung maraming tao ang namamatay at mga gusaling nagbabagsakan kagaya ng napakalakas na lindol na yumanig sa malaking bahagi ng kabisayaan. Karamihan pa sa mga nagbagsakang istruktura ay yaong mga inaasahan ng tao na magkakanlong at magbibigay ng proteksyon sa kanila: Mga centuries old na simbahan.
Sa pagsulat ng mga ganyang balita, iisipin mo nang maraming ulit ang magiging epekto ng isusulat mo sa tao. Kung mahina-hina ang dibdib ng mambabasa, baka kahit walang lindol ay baka atakihin na sa puso.
Pagkatapos ng malagim na lindol sa Bohol at Cebu ay magpapalabas pa ng babala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nagsasabing namemeligro na ring salantain ng magnitude 7.2 na lindol ang Metro Manila at tinataya sa mahigit 37 libong mamamayan ang posibleng masawi. Ito ay kapag nagsimula nang gumalaw ang tinatawag na West Valley fault sa Marikina.
Kaya ngayon pa lang ay nagsasagawa na ang mga inhinyero ng pamahalaan ng pagsusuri sa mga istruktura lalu na ang mga daan-taon nang simbahan.
Kung minsan ay hindi maiiwasan na tayo ay maging “alarmists†dahil ang mga usaping ganyan, bagamat nakakasindak ay dapat mabatid ng taumbayan. Kunsabagay ay beterano na tayo sa kalamidad. Naranasan na natin noong 1990 ang kahalintulad na lindol na 7.2 rin ang magnitude. Sa umpisa, nagulantang tayong lahat pero sa paglipas ng mga taon ay nawala na ang sindak at muli tayong nabuhay ng normal.
Ang hirap sa lindol, hindi natin alam kung kailan dara-ting. Palaging surpresa kung manalanta ang mga pagyanig. Ang pinakamagandang paghahanda ng pamahalaan ay inspeksyunin ang lahat ng gusali at kumpunihin ang mga may structural defect. Gayunman, kahit ito’y hindi garantiya kung ubud nang lakas ang mananalantang lindol.
Ang mga ordinaryong mamamayan naman ay wala ring magagawa kundi manalig sa mga instructions ng PHIVOLCS na sana’y huwag panlamigan sa gagawing kampanya nito para mapaghanda ang mga tao sa posibleng maganap na kalamidad.
- Latest