EDITORYAL - Paigtingin pa ang paglilinis sa Customs
KALIWA’T KANAN ang alingasaw ng katiwaÂlian sa pamahalaan — isyu sa PDAF, DAP at iba pang uri ng pork barrel at ganundin ang mga nangyayaring katiwalian sa mga ahensiya na pinangungunahan ng Bureau of Customs. Ang Customs ang isa sa mga corrupt na tanggapan na nasa ilalim ng Department of Finance. Noon pa, balita na maraming opisyal at empleado sa ahensiyang ito ang namumuhay nang masagana dahil sa kaliwa’t kanang katiwalian. At pati na raw mga janitor at sekyu sa Customs ay “namamantikaan†na rin ang pamumuhay dahil sa malawakang katiwalian dito. May mga karaniwang empleado umano sa Customs na dalawa ang sasakyan at mayroong mga apartment na pinauupahan. Ang suweldo umano ng karaniwang empleado ay mahigit lamang P10,000!
Maski si President Aquino ay alam ang mga nangyayaring katiwalian sa Customs. Sinabihan na nga niya ang mga taga-Customs na “saan daw kumukuha ng kapal ng mukha†ang mga ito. Marami raw nagpapalusot ng kontrabando at limpak na salapi ang naliligwak na dapat sana ay mapunta sa kaban ng bayan. Galit si P-Noy nang pagsabihan ang mga taga-Customs sapagkat hindi maabot ang target na revenues. Saan nga naman nakakita na maraming pumapasok na mga produkto sa bansa, pero laging kapos ang kita. Maraming napapalusot at nagsisiyut ang pera sa mga bulsa ng corrupt na collectors, empleado at iba pang matatakaw sa loob ng Customs.
Hindi magkakaroon ng lakas ng loob ang mga smuggler kung wala silang kakutsabang opisyal at empleado sa Customs. Hindi kikilos ang mga smuggler hangga’t walang “go signal†ng mga corrupt na opisyal. Noong nakaraang linggo, limang bagong opisyal ang itinalaga sa Customs. Pero hindi pa rin sigurado kung magkakaroon ng pagbabago roon. Maaaring nagpalit lang ng mukha pero, ang nasa isipan ay pangungurakot din ang laman.
Magkaroon nang totohanang reporma sa Customs. Palitan lahat, mula taas hanggang ibaba. Imbestigahan din ang mga sinasabing “milyonaryo†sa Customs. Magkaroon ng “lifestyle check†sa lahat ng mga opisyal at empleyado.
- Latest