Taumbayan hindi dapat manlamig
SUNOD-SUNOD na anomalya na gumagatong sa galit ng taumbayan ang isa-isang nabubunyag. Una, ang P10-bilyong pork barrel scam at ngayon ang kinumpirma ni Sen. Jinggoy Estrada na pamamahagi ng tig-P50 milyon (additional pork) sa bawat Senador na bumoto nang pabor sa conviction ni dating CJ Corona. Maagap naman ang Malacañang para pasinungalingan ito.
Tiyak pumapalakpak pati tenga ni Corona dahil mukhang vindicated siya ng pahayag ni Jinggoy. Habang kumbinsido noon ang mga mamamayan na dapat patalsikin si Corona, lumalabas na ang kanyang impeachment ay bunga ng politika. Kaya naman todo tanggi ang Palasyo sa pagbubunyag ni Jinggoy na kung tutuusin ay hindi na bago dahil noon pa man ay natsi-tsismis na.
Tinawag ni Jinggoy na “incentives†ang ipinamahaging P50-milyon. Ngunit ano pa man ang itawag, iyan ay isang suhol. Suhol para mapasunod ng ehekutibo sa kagustuhan nito ang mga mambabatas. Ang suhol ay karumal-dumal dahil malinaw na pagbebenta ng dangal ng ating mga pinagpipitaganang mambabatas lalu pa’t iisipin na ang halaga ay mula sa buwis na ibinabayad ng mamamayan.
Sa matagal na panahon, parang bukas na lihim ang ganyang paggamit sa pork barrel:
When the executive department wants his pet bills to be enacted, the so-called “pork barrel†is dangled like a carrot before lawmakers who would yield to the presidential wish for the additional allocation.
Nagpupuyos sa galit ang maraming mamamayan. Totoo man o hindi ang akusasyon ay iyan ang nakatanim na persepsyon sa isip ng marami.Mantakin mo nga naman na pinagpipistahan ng mga taong pinagkatiwalaan ng mamamayan ang salapi ng bayan habang marami ang namamatay sa kahirapan. Hindi dapat manlamig ang galit ng mamamayan dahil kung mangyayari ito, baka hindi na matapos ang korapsyon sa ating gobyerno.
Huwag namang itulot ng Diyos na panlamigan ng mamamayan ang isyung ito dahil kung hindi aangal ang taumbayan, tingin ko’y wala nang katapusan ang kultura ng korapsyon sa ating bansa.
- Latest