Dalawang kaso
DALAWANG kaso ang laman ng mga balita ngayon. Ang isa ay ang pagdakip sa tatlong suspek sa kaso ni Kae Davantes, ang ad executive na pinatay at tinapon sa ilalim ng isang tulay sa Cavite. Ayon sa report, tila nagtuturuan na ang mga suspect kung sino ang utak ng karumal-dumal na krimen. Ang tinuturo ay ang isang suspek na hindi pa nahuhuli. Nakikita ko, kung mahuhuli ang sinasabing utak, magtuturo rin siya ng isa sa kanyang mga kasama. Tila maghuhugas-kamay, dahil sa bigat ng ginawang krimen.
At hindi ko matatanggap ang gasgas na dahilan, na kaya napilitang gumawa ng krimen ay dahil kailangan ng pera para dito, o para doon. Mga personal na ATM na ba ng mga may utak-kriminal, ang mga taong nagtatrabaho para kumita? Mga nagsisikap para maging maunlad ang buhay? Mga nagsakripisyo para marating ang kanilang kinaroroonan ngayon? Hindi na dapat pinakikinggan ang ganyang pagdadahilan.
Ang ikalawang kaso ay ang pork barrel scam. Ang mga akusado ay naghuhugas ng kamay, nagtuturo kung sino ang dapat habulin at kasuhan. Kasi naiipit na, kaya laglagan na? Mga dating magkasangga ay ngayon, katunggali na? Mga dating katiwala na ngayon, mga taksil na pala? Napupuno ang mga balita ng mga pagtuturo na may ibang gumawa ng mga isinisiwalat ng mga whistleblower. Na wala silang alam sa paglabas ng kani-kanilang PDAF. Na ang pirma ay hindi gawa ng kamay nila.
Siguradong ganito ang magiging takbo ng mga kaso sa mga darating na araw, habang nakatutok ang buong bansa. Sa gitna ng lahat na ito, si Janet Lim Napoles, na may mga sariling pagtuturo na rin kaugnay sa kaso. Kung sadya nilang nililito ang tao at ang mga hahawak ng kaso, hindi yata epektibo. Base sa mga patuloy na panawagan ng mga mamamayan sa mga may kinalaman sa pork barrel scam, tila hindi mabebenta ang pagtuturo. Kung ganun kadali, mawawalan nang silbi ang libo-libong papel na may ebidensiya kaugnay sa pork barrel scam.
- Latest