Chinese invasion?
NAAALARMA raw ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa walang humpay na pagpasok ng mga illegal Chinese nationals para magtrabaho rito.
Kahit maliliit na trabaho ay pinapasok umano ng mga Tsinong ito, bagay na ikinababahala ng TUCP dahil marami rin namang Pilipino ang nangangailangan ng trabaho. Tamang mabahala ang TUCP pero para sa’kin, maliit na concern lang iyang tungkol sa empleyo.
Kapuna-puna rin yung mga Tsinong nagnenegosyo rito tulad sa Divisoria at Binondo na kung kausapin mo ay halos hindi kayo magkaintindihan. Halatang bagong salta. Nakapagtataka na kung totoong asensado na ang ekonomiya ng China, bakit magtitiyagang magtungo sa Pilipinas ang mga mamamayan nito para magtrabaho bilang construction workers?
Lalong imposible na mula sa Taiwan ang mga illegal aliens na ito dahil walang problema sa empleyo ang Taiwan at malaki ang ibinibigay na sahod kahit sa mga manual workers.
Noong bago sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig sa huling bahagi ng 1930s, dinagsa raw ang Pilipinas ng mga negosyanteng Hapones. Tulad ng mga Tsinong naglipana ngayon, nagtitinda sila ng kung anu-anong kalakal.
Naisulat ko na ito pero gusto ko lang ulitin: Nang magdeklara ng digmaan ang Hapon, bigla na lamang nagsipagsuot ng uniporme ng sundalo ang mga Hapones na ito. Sila pala ay mga military officers ng Japanese Imperial Army.
Kaya kung iuugnay natin iyan sa mga nakaraang encroachment ng China sa mga karagatang sakop natin, hindi maiiwasang matakot tayo. Baka bukas makalawa ay bandila na ng China ang iwinawagayway sa ating bansa.
Dapat usisain sa isyung ito ang Bureau of Immigration and Deportation dahil ito ang may direktang pamamahala sa mga dayuhang pumapasok sa bansa. Ito ay matatawag na usapin sa pambansang seguridad kaya hindi dapat ipagwalang bahala.
- Latest