EDITORYAL - Madaling malutas kapag may reward
SARADO na raw ang pagpatay sa advertising exeÂcutive na si Kae Davantes. Tatlong suspect na ang naaresto at idinetalye nila kung paano ginawa ang karumal-dumal na krimen noong nakaÂraang Setyembre 7. Unang naaresto si Samuel DeÂcimo, 19 at makaraan ang isang araw, naaresto naman sina Lloyd Enriquez at Joel Diel. Tatlong suspect pa ang hinahanap ng pulisya na nakila-lang sina Joeric, Bazier at Joemar Pepito.
Ayon kay Decimo, natiyempuhan nila si Davantes na binubuksan ang gate ng kanilang bahay. Tinutukan nila ng baril at sapilitang isinakay sa kotse nito at saka minaneho palabas ng Moonwalk Village, Las Piñas. Nasa hulihan nila ang ibang miyembro ng grupo na nasa isang sasakyan. Dinala nila ito sa Tagaytay. Kinuha nila ang cell phone at laptop ni Davantes at saka pinatay. Si Decimo ang sumaksak sa biktima. Iniwan nila ang bangkay nito sa ilalim ng isang tulay sa Silang, Cavite. Tinangka nilang ibenta ang kotse ni Davantes pero wala raw bumili kaya tinangka nilang sunugin.
Noong una ay blankong-blangko ang Philippine National Police (PNP). Wala silang mabuong lead na maaaring maging susi sa pagpatay kay Davantes. Napakahina ng kanilang pamamaraan sa paglutas ng kaso. Tila walang kumikilos para maghanap ng mga maaaring may kagagawan sa pagpatay.
Lumipas pa ang isang linggo at walang maipakitang progreso sa kaso ang mga awtoridad. Hanggang sa mag-offer na si President Aquino ng P2.5 milyon para sa ikalulutas ng kaso. Makaraan lamang ang ilang araw ay may resulta na. Natagpuan ang sasakyan ni Davantes sa Camella Homes at makalipas pa ang ilang araw, natimbog na si Decimo at ikinanta na niya ang mga kasama sa pagpatay. Ang National Bureau of Invesigation ang nakatimbog kay Decimo sa Imus, Cavite.
Mabilis mahuli ang mga salarin kapag may paÂbuya at mismong ang Presidente pa ang naghayag. Pero paano kung karaniwang tao lang ang hinoldap at pinatay, masosolb kaya. Magbibigay din kaya ng pabuya ang gobyerno? Sana kahit walang pabuya o anumang kapalit ay agarang kumilos ang mga awtoridad. Paganahin ang kanilang intelligence para makahanap ng lead sa ikalulutas sa kaso. Kaya sila nasa propesyon na ganyan ay para hanapin ang mga kriminal at nang maisilbi ang hustisya.
- Latest