Salamat at nakasuhan na!
LABINTATLONG pulis na sangkot sa “Atimonan rubout†ang kinasuhan ng multiple murder. Kasama sa 13 si Supt. Hansel Marantan, ang pulis na ayon sa NBI ay may pinoprotektahang karibal ni Vic Siman sa jueteng. Malinaw sa imbestigasyon na ang plano ng mga pulis na naglagay ng tatlong checkpoints sa Atimonan ay para patayin ang mga nasa convoy ni Siman. Ang paglalagay ng tatlong sunod-sunod na checkpoints ay hindi sang-ayon sa mga patakaran ng PNP, dito pa lang may bahid na ng iregularidad.
Ayon din sa ebidensiya, hindi nakapagpaputok ang mga nasa loob ng mga sasakyan, kontra sa mga pahayag ng pulis na sila ang unang nagpaputok. At pagkatapos ng putukan, dinuktor pa ang ebidensiya para palabasin na sila ang unang pinaputukan at napilitan lang barilin ang convoy. Lahat nang sangkap ng isang rubout, kahit may tama pa si Marantan sa hita. Wala na rin sigurong naniniwala na siya ay binaril ng grupo ni Siman. Drama na lang? Ang mga sundalo naman na kasama sa barilan ay pinakawalan, dahil hindi raw sila kasama sa plano ng grupo ni Marantan na patayin ang grupo ni Siman. May mga pulis din na pinakawalan dahil sa kakulangan ng ebidensiya. Sa madaling salita, ang 13 ito ang may pinaka-malaking partisipasyon sa krimen.
Pero tatlo sa mga kinasuhan ay hindi pa makita. Ayaw humarap sa hustisya? Bakit kaya? Hindi maniniwala sa kanilang bersyon ng mga pangyayari sa Atimonan? Sana mahuli na rin para makasama ang kanilang mga kaibigan. Mabuti at nagkaroon ng aksyon sa kasong ito. Kailangan na talagang ma-sampolan, ika nga, ang mga masasamang elemento sa PNP. Kailangang mabuwag ang tila mga sindikato sa loob ng PNP. Kailangan nang mawala sa serbisyo ang mga baluktot na pulis sa PNP. Mabuti na lang at may mga nagsalita, tulad ng ilang sundalo, sa mga tunay na pangyayari sa Atimonan. Mabuti na lang at may mga sundalong tapat sa tungkulin. Mabuti at may mga sundalong hindi mabibili. At mabuti na rin at may mga maagang dumating na media sa pinangyarihan, at nakunan ng litrato ang crime scene bago dinuktor. Salamat na rin sa mga testigong nagsalita. Ganito ang mga kailangan natin, para hindi tayo ang tinatakot ng mga kriminal, kahit naka-uniporme pa.
- Latest