^

PSN Opinyon

‘Umihi ng dugo’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

SA kalye Sierra Madre, sa harap ng tindahan ng prutas habang nakaparada ang isang traysikel… biglang sumakay ang isang lalaking duguan, tadtad ng saksak ang katawan. “Tulungan mo ko…” pakiusap nito.

Ang lalaking duguan ay si Michael Fontanoza mas kilala sa tawag na “Yet”, 31 taong gulang.

Sa Victor R. Potenciano Hospital na inabutan ni Arlen Fontanoza ang nakababatang kapatid na si Yet.

“Isang oras lang ang tinagal niya.... Patay siya agad,” sabi ni Arlen.

Tubong Sto. Tomas, La Union ang pamilya Fontanoza. Unang lumuwas ng Maynila si Arlen—taong 2008 at nagtrabaho bilang ‘valet parker’ (taga park ng mga sasakyan) sa labas ng Edsa Shangri-La.

Kinuha ni Arlen ang nakababatang kapatid na si Yet at pinasok sa kanyang kumpanya.

“Traysikel drayber sa probinsya si Yet. Marunong din siya magmaneho kaya naisip ko ba’t di niya subukang mag-valet parker?” ani Arlen.  

Taong 2010, nang maging parker si Yet.  Sa Greenhills siya na-assign habang bisor na nun ang kapatid na si Arlen sa Galleria.

Ipinasok naman ni Yet sa trabaho ang pamangkin ng misis na si Michael Angelo Kim, 25 anyos at Kelvin De Castro, 25 taong gulang din---kaibigan ni Yet. Magkakasama sila sa isang ‘boarding house’.

Ika-7 ng Agosto 2011, kaarawan ni Yet… pagkagaling sa trabaho inaya niya ang ilang katrabaho sa Shangri-La kasama sina Michael at Kelvin. Sagot ni Yet ang kainan at inuman. “Siguro yung iba patak-patak na lang,” ani Arlen.

Sa Jepoy’s Grill, Mandaluyong nagkasiyahan ang mga magkakaibigan. Alas onse pasado ng gabi umihi si Yet.

Dalawa lang ang ‘cubicle’ ng CR. Isa sa lalaki at sa babae. Pumila si Yet… maya-maya sumingit daw itong ang isang nagngangalang Pejay Arevalo, valet parker din at dati niyang nakasama sa Greenhills.

Sinaway ni Yet si Pejay, “Hoy! Kita mong mahaba ang pila…”

Dahil parehong nakainom nagkasagutan ang dalawa subalit umalis rin si Pejay. Nauna pa ring umihi si Yet.

Tuloy ang inuman nila Yet na parang walang nangyari. Ganun din sa mesa ni Pejay kasama ang kapatid nitong si Deolito Arevalo at ilang mga kasamahan sa Greenhills. Nasa 10 umano ang bilang nila.

Alas 12:00 ng hating gabi ng matapos ang inuman nila Yet. Nauna ng umuwi ang ilang kasama habang naiwan siya, si Michael at Kelvin para magbayad.

Paalis pa lang sila Yet ng Jepoy’s… lumabas galing sa pader si Deolito at bigla na lang hinila si Yet. Hinawakan daw sa magkabilang kamay.

Siyang lapit naman ng nakababatang kapatid nitong si Pejay  na noo’y may hawak daw na patalim. “Bigla na niyang pinagsasaksak ang kapatid ko, paulit-ulit!”  wika ni Arlen.

Kita-kita nila Michael at Kelvin ang pangyayari. Sinubukan nila umawat subalit paglapit nila nagtakbuhan na ang magkapatid…maging si Yet wala na din.

Hinanap ni Michael at Kelvin si Yet subalit tanging marka ng dugo kung saan ito napahiga ang nakita nila sa nasabing restaurant.

Bandang 4:00 nang umaga, may tumawag na lang kay Arlen at sinabing nasa ospital ang kanyang kapatid. Bangkay na ng abutan ni Arlen si Yet.

“Ospital pa mismo ang nag-report  sa mga pulis na may pasyente silang nasaksak. Wala kasing sumaklolo sa kapatid ko… siya lang nagpadala sa sarili niya sa ospital. Hinatid siya ng traysikel,” pagsasalarawan ni Arlen.

Dinala ang labi ni Yet sa La Union. Inasikaso pa nila ang pagpapalibing sa kapatid bago makapagsampa ng kaso sa Prosecutor’s Office Mandaluyong City.

Nagbigay ng salaysay ang drayber ng traysikel na si Jaime Antiporda, naghatid kay Yet sa ospital. Bandang 1:10AM, ika-8 ng Agosto 2011, habang nagka-istambay siya sa Sierra Madre St., sa tapat ng tindahan ng prutas dala-dala ang kanyang traysikel biglang sumakay ang lalaking duguan at may sugat sa kanyang mukha at nakiusap na dalhin siya sa ospital. Mabilis niyang pinaandar ang traysikel para ipagamot ang biktima.

Tumestigo rin sina Michael at Kelvin. Ayon sa kanila, kababayad pa lang nila ng bill ng hawakan ni Deolito si Yet. Dito na raw nangyari ang pananaksak.

Nagkaroon ng pagdinig ang kasong ito. Isang beses daw lang nagpakita ang magkapatid na Arevalo, ito’y matapos silang magbigay ng Joint Counter Affidavit upang pabulaanan ang bintang sa kanila.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, ayon sa kay Pejay habang papunta siya ng CR ‘di niya sinasadyang natabig si Yet. Nag-sorry daw siya agad nun. Pagbalik daw niya sa upuan bigla na lang humarang si Yet at sinabing, “Sige, lumapit ka!” Kaya’t di na raw sinubukang dumaan dun ni Pejay.

Umawat daw si Deolito subalit tinulak siya ni Yet at napahiga sa sahig. Tumulong ang kanilang grupo kay Deolito subalit nagkagulo na daw ang grupo ni Yet at nila Pejay. Hindi na raw nakatayo si Deolito sa pag-upo sa sahig dahil nahihilo raw ito. Nanakbo naman  si Pejay matapos daw makarinig ng putok ng baril. Niligtas din ni Deolito ang sarili, mabilis na umuwi lulan ng kanyang motor.

Nagkagulo raw at ‘tumultuous affray’ o isang rambol ang nangyari.

Sa depensang tumultuous affray ito’y magigiba kapag merong positibong kumikilala sa taong may kagagawan. Sa isang rambol kasi ipinalalabas na dahil sa mga gulo ng pangyayari ‘di malinaw kung sino ang may kagagawan. Sa kaso ni Yet ang magkapatid na Arevalo ay ininguso ng mga testigo.

 Ika-24 ng Enero 2012 sa ginawang resolusyon ni Prosecution Atty. Josili Tabajonda nakitaan ng ‘probable cause’ ang kasong MURDER para maiakyat sa korte. Ika- 29 ng Pebrero 2012, nagbaba ng ‘warrant of arrest’ ang RTC-Branch 212 pirmado ni Judge Rizalina Capco-Umali para sa magkapatid na Deolito Arevalo at Pejay Arevalo para sa kasong Murder. Walang piyansang inirekomenda (NO BAIL RECOMMENDED).

Mula nun nagtago na ang magkapatid. Ito ang dahilan ng pagpunta ni Arlen sa aming tanggapan. Itinampok namin si Arlen sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat”DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM/Sabado 11:00-12:00NN). Narito na ang mga litrato ng magkapatid na Arevalo.

Para sa mga nakakalam kung nasaan ang magkapatid na Deolito at Pejay Arevalo makipag-ugnayan lang sa aming mga numero sa ibaba. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166 (Dhalia), 0921­3784392 (Carla), 09198972854 (Monique).O tumawag sa 6387285/ 7104038

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

ARLEN

DAW

DEOLITO

LANG

NILA

PEJAY

PEJAY AREVALO

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with