Paano sila nabigyan ng lisensiya?
MARAMING aksidente sa sasakyan ang nangyayari ngayon. Noong isang araw, 11 ang nasaktan nang magbanggaan ang dalawang bus sa EDSA. Binangga naman ng isang bus ang toll plaza sa Skyway at 21 ang nasaktan. Natawa ako sa pahayag ng drayber na bumangga sa likod ng isang bus. Nabangga raw niya dahil biglang huminto. Sasabihin ko naman sa napakatalinong drayber na ‘yan, bigla rin naman siyang huminto, may bumangga ba sa kanyang likuran? Patunay na nakatutok siya sa bus na nasa harapan niya kaya nabangga! Inamin naman ng drayber na bumangga sa toll plaza na mabilis ang kanyang takbo. Magaling! Kung bakit mabilis pa rin ang takbo kahit papalapit na sa toll plaza.
Wala pa rin talagang pakialam ang mga kompanya ng pampublikong bus hinggil sa pagkuha ng mga drayber nila. Maliwanag na walang kaingat-ingat ang mga drayber na ito komo malaki ang kanilang sasakyan, at sasaluhin naman sila ng kanilang kompanya kung masangkot sa aksidente. Mabuti na lang at walang namatay sa dalawang nabanggit na aksidente. Kailangan pag-aralan ng DOTC at LTFRB kung dapat magpataw na ng mga mas mabibigat na multa at parusa para sa mga bus na nasasangkot sa mga walang saysay na aksidente katulad ng dalawang ito. Kung kaila-ngang tanggalan ng prankisa, gawin na. Kung kailangang kanselahin ang lisensiya ng drayber, gawin na.
Parami nang parami ang mga sasakyan sa Metro Manila. At sa tingin ko, parami nang parami rin ang mga drayber na walang karapatang magmaneho. Dito nagkukulang ang LTO. Hindi ko alam kung paano nabibigyan ng lisensya ang ilang drayber. Sigurado ako na kung pakukunan ng eksaminasyon, baka hindi ito mapasa. Kapag tinanong kung ano ang kahulugan ng ilang traffic signs, hindi alam. Ang alam lang ay paandarin ang makina at ipihit ang manibela.
Palaging nalalagay sa peligro ang mamamayan dahil sa mga hindi sanay na drayber. Kailangang matukoy na sila bago magkaroon nang malagim na aksidente. Sa bansang ito, kung hindi nagiging biktima ng krimen, nagiging biktima naman ng mga hindi sanay na drayber.
- Latest