EDITORYAL - Pananagutan ng MARINA
MALAKI ang pananagutan ng Maritime Industry Authority (MARINA) kung bakit patuloy na nakapaglalayag ang mga barko ng Sulpicio Lines ngayo’y tinatawag na Philippine Span Asia Carrier Corporation (PSACC). Ayon sa report, mabagal magpalabas ng resolusyon ang MARINA sa pagkansela ng certificate of public convenience ng Sulpicio. Noong 2008, nagsampa ng kaso ang Public Attorneys Office (PAO) laban sa Sulpicio dahil sa paglubog ng MV Princess of the Stars kung saan 437 tao ang namatay. Pero hanggang ngayon, wala pang resolusyon ang MARINA. Limang taon na ang nakalipas at tila wala nang resolusyon na ilalabas ang MARINA. Ang matindi pa, nakapagpalit pa ng pangalan ang Sulpicio. Ayon sa PAO, hindi dapat pinayagan ng MARINA na makapagpalit ng pangalan ang Sulpicio. Isa itong malaking iregularidad. Malinaw na gusto raw takasan ng Sulpicio ang pananagutan kaya nagpalit ng pangalan na hinayaan naman ng MARINA.
Kung nagpalabas agad ng resolusyon ang MARINA laban sa Sulpicio, hindi na sana nangyari ang isa na namang trahedya kung saan nakabanggaan ng cargo ship Sulpicio Express Siete ang M/V Thomas Aquinas noong Agosto 16, 2013 sa karagatan ng Cebu na sa huling report ay 104 na ang bilang ng namatay at may mahigit pang 30 na nawawala. Malapit nang dumaong ang Tho-mas Aquinas sa Cebu port at paalis naman ang Sulpicio Express nang magbanggaan. Hanggang ngayon, nagtuturuan pa ang mga kapitan ng dalawang barko kung sino ang may kasalanan.
Malaki ang pananagutan ng MARINA kung bakit nakapaglalayag pa ang mga barko ng Sulpicio. Dapat noon pa sila naglabas ng resolusyon sa pagkansela ng certificate of public convenience. Hindi sana ito pinagtagal pa sapagkat maraming pasahero ang nagbuwis ng buhay. Noon pa, marami nang namatay habang nakasakay sa mga barko ng Sulpicio. Sa Doña Paz ay 4,000 ang namatay at Doña Marilyn, 77 ang patay.
Hindi lamang ang may-ari ng Sulpicio ang nararaÂpat panagutin sa mga nangyaring trahedya, dapat panagutin din ang MARINA. Kaawa-awa ang mga namamatay na walang kalaban-laban sa gitna ng kaÂragatan.
- Latest