^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Hindi kumukurap ang mamamayan

Pilipino Star Ngayon

BINABATIKOS ang pamahalaan dahil sa naki­kitang pagbibigay ng VIP (very important preso) kay Janet Lim-Napoles, ang umano’y “utak” ng P10-bilyon pork barrel scam. Pagkatapos sumuko kay P-Noy, inihatid pa ito mismo sa Camp Crame at pansamantalang inilagak sa isang maayos na silid doon. Pinagbawalan ang media na lapitan si Napoles. Kaiba kaysa ibang suspect na agad ipina­parada sa media. Nang ilipat sa Makati Ciy jail, mahigpit ang seguridad at ayaw padapuan maski sa lamok. Sa isang hiwalay na room siya inilagak. Kahapon, ipinag-utos ng Makati Regional Trial Court na ilipat sa Fort. Sto Domingo si Napoles. Mas ligtas daw doon si Napoles.

Sinusubaybayan ng mga taumbayan  si Napoles at ang anumang magandang treatment na ipinakikita ng gobyerno ay hindi nakaliligtas sa kanilang paningin. Kaya huwag sanang magkamali ang gobyerno sa pagpapakita nang kabutihan o pagmamalasakit sapagkat pagsisimulan ito ng apoy ng galit. Nasubukan na ang mamamayan noong Lunes makaraang magtipon sa Luneta at ipahayag ang pagkapoot sa mga lumustay sa pera ng bayan. Maraming nagngitngit sa galit at hiniling na ibasura ang pork barrel.

Sabi ni President Aquino kamakailan, wala raw sasantuhin sa mga mambabatas na mapapatu­nayang sangkot sa pork barrel scam. Mapaparusahan aniya ang mga nakinabang sa pera ng taumbayan. Ngayong nasa kandili na nila si Napoles, inaasahang ang mga pinangako ng Presidente ay magkakaroon ng katuparan.

Kapag gumiling na ang imbestigasyon kay Napoles sa maanomalyang pork barrel, tiyak na marami siyang isisiwalat. Maaaring sabihin niya ang mga pangalan ng mambabatas na nakinabang sa pondo para mailigtas ang sarili. Pipigain siya sa scam at mapipilitan siyang “kumanta”.

Dito makikita kung wala nga bang sasantuhin ang Presidente sa mga masasangkot na mambabatas. Ayon sa report, maraming mambabatas na kaalyado ng Presidente ang sinasabing nakapag­labas ng milyone­s na pondo sa pamamagitan ng pekeng NGOs ni Napoles. Mayroon din umanong mga mambabatas na lumikha ng sariling NGO at ang nagpapatakbo ay kanilang mga kamag-anak at kaibigan.

Wala raw patatawarin at sasantuhin. Tingnan natin. Hindi kumukurap ang mamamayan sa pagbabantay.

AYON

CAMP CRAME

JANET LIM-NAPOLES

MAKATI CIY

MAKATI REGIONAL TRIAL COURT

NAPOLES

PRESIDENT AQUINO

STO DOMINGO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with