^

PSN Opinyon

‘Lumutang mula sa pagkalubog’

CALVENTIO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

ANG PALITAW kapag nilubog, ‘pag di na makayanan ang init doon lamang lilitaw.

Naisulat namin sa aming pitak sa PSNgayon ang kwento ng magkakaibigang nabangga ng isang kotse. Sila sina Virgilio Flores Jr. o “Jay-r”, Ma. Khrizzel Flores at Evony dela Cruz, na pinamagatan naming ‘Galang aksidente’.

Naitampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang ina ni Jay-r na si Teofila “Fely” Flores.

Sa isang balik tanaw, habang binabaybay ng magkakaibigan ang daan papuntang Baliwag, Bulacan sakay ng isang motorsiklo noong Abril 28, 2013 may nakasalubong silang isang kotse. Si Jay-r ang nagmamaneho ng motorsiklo habang angkas niya sina Evony at Khrizzel.

Lumihis ng daan ang kotseng Hyundai UIW 294 na minamaneho ni Wilmark Rivera, nabangga ang magkakaibigan at nakaladkad hanggang gitnang bukid ang kinasasakyang motor.

Malaking uka sa kaliwang binti at bali ang buto ni Jay-r. Si Evony naman may bali at sugat habang si Khrizzel na nadaganan ng motorsiklo ay may butas sa leeg. Bali ang buto sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Pagkaraan ng ilang linggo binawian ng buhay si Khrizzel.

Ang nakadisgrasyang si Wilmark ay agad na tumakas.

Sa ginawang sertipikasyon ng Philippine National Police (PNP) Baliwag nung gabi ng Abril 28, 2013 habang tumatakbo ang kotse na minamaneho ni Wilmark papuntang Brgy. Tilapayong ay kumabila ito ng linya at nabangga ang motorsiklong kinasasakyan nina Jay-r. Nagkaroon ng sira ang unahang bahagi ng kotse habang ang motorsiklo naman ay nawasak. Nasaksihan ni Julian Rafael Jr. ang pangyayari.

Mayo 22, 2013 nang magsampa ng kasong ‘Reckless Imprudence resulting to Homicide, Multiple Injuries and Damage to Property’ sina Fely at ang mga kaanak ng ibang biktima laban kay Wilmark Rivera.

Makalipas ang ilang buwang hindi pagpapakita, noong Hulyo 24, 2013 nagsumite ng kontra-salaysay si Wilmark.

Itinatanggi niya ang lahat ng akusasyon tungkol sa kanya.

“Ang katotohanan nung gabi ng Abril 28, 2013 pauwi ako ng aming bahay. Ang aking kotse ay nasa kanan o tamang linya nang bigla na lamang sumulpot ang isang motorsiklo na may lulang tatlo,” ayon sa salaysay.

Dahil sa biglang pagsulpot ng motorsiklo bigla niyang kinabig ang manibela upang ito’y iwasan. Napadpad ang kanyang kotse sa gitnang bukid. Bumaba siya para tingnan kung ano ang nangyari sa mga nakasakay sa motorsiklo.

“Nakita ko ang maraming tao na sumusugod sa akin at galit na galit. Natakot ako na ako’y patayin kaya napilitan akong tumakbo at iwanan na lamang ang kotse ko at umuwi ng bahay,” dagdag sa salaysay.

Hindi rin umano siya nag ‘hit and run’. Sinabihan daw niya ang kanyang tiyuhin na si Reynaldo Santos na tulungan ang mga nakasakay sa motorsiklo. Pinasunod niya rin umano ang pinsang si Sheila Tolentino sa ospital para matulungan ang mga naaksidente.

“Si Reynaldo Santos ang driver ng ambulansiya kaya siya ang tinawag ng Kapitan para rumesponde,” wika ni Fely.

Tuwing pupunta din umano sila sa ospital upang patingnan si Jay-r ay binabayaran nila ang gasolina at serbisyo ni Reynaldo.

“Imposible lahat ng sinasabi nila, minsan lang namin silang nakita,” sabi ni Fely.

Ayon naman sa salaysay ni Reynaldo Santos, pinuntahan siya ni Wilmark at humingi ng tulong na dalhin sa ospital ang mga naaksidente sa kalsada ng Sulivan.

“Ako ay nagtungo sa Brgy. Sulivan upang kunin ang ambulansiya at dalhin sa ospital ang mga naaksidente,” salaysay ni Reynaldo.

Nagbigay din ng salaysay si Sheila Tolentino, nakatanggap umano siya ng tawag mula sa pinsang si Wilmark. “Pinakiusapan niya akong puntahan ang mga naaksidente na nakasakay sa motorsiklo upang tulungan sa anumang paraan,” ayon sa salaysay.

Wala umano siyang masakyang nang gabing yun kaya kinabukasan na sila nagpunta. Sinabihan daw nila ang magulang ng naaksidente na handa silang tumulong sa mga gastusin.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ‘Flight is indicative of guilt’. Ang pagtatago ay isang palatandaan na may iniiwasan kang kasalanan o pagkukulang. Kung walang katotohanan ang lahat ng mga paratang sa ‘yo Wilmark bakit kailangang u­mabot ng ilang buwan bago ka magpakita? Kung intensiyon mo talaga ang makatulong sana’y ikaw mismo ang nakipag-usap sa pamilya ng biktima upang itanong kung ano ang tulong na kakailanganin nila sa gamutan.

Napakaraming katanungan ang kailangan mong sagutin at paghandaan pagharap mo sa korte. Ang isa pang sinasabi mo sa iyong salaysay na tamang linya ang binabaybay mo, may testigong nakapagpatunay na ikaw ang lumihis ng landas kaya nadisgrasya ang tatlong kabataan na nakasakay sa motorsiklo. Ang imbestigasyon ng pulisya ay makapagpapatunay dito. Itinuturo mong sinabihan mo ang tiyuhin mong si Reynaldo upang tulungan sina Jay-r, ginawa niya kaya ito dahil sa sinabi mo o ginampanan niya lang ang kanyang tungkulin bilang drayber ng ambulansiya sa nasabing barangay?

Sa huling pananalita mas lalo nating balikan ang araw na yun. San ka nanggaling? Sa isang party na may inuman at may sinapak kang tao dun. At pagkatapos mong sapakin dahil ikaw ay nakainom na sumakay ka sa kotse mo at sumibat ka, nakasagi ka pa ng tricycle. ‘Di ka pa nakuntento dito, isang single na motor ang iyong binangga na may lulan na pawang mga ‘teenager’.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

Sa gustong dumulog para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166(Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa [email protected].

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

ABRIL

FELY

ISANG

KHRIZZEL

KOTSE

MOTORSIKLO

REYNALDO

WILMARK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with