Ebidensiya sa video
NILABAS na ang video ng pamamaril ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard sa barkong pangisda ng mga Taiwanese sa Balintang Channel noong Mayo. Kita nga sa video ang pagtawa, hindi pagngiti, ng Coast Guards habang binabaril nila ang barko. Naaalala ko nang unang lumabas na may video ang Coast Guard ng insidente, at nabalitaang may tumatawa, dinepensa ng mga opisyal ng Coast Guard na malaki ang pagkakaiba ng ngiti at tawa. Ngayon, alam na natin na tawa nga, at hindi ngiti.
Kapansin-pansin rin ang likot ng dagat sa araw na iyon. Ayon sa Coast Guards, tinatarget daw nila ang makina ng palayong barko. Pero sa ganyang kalikot na dagat, lakas ng hangin na maririnig sa video, at ganyan kalayo, tamaan kaya nila ang makina lang? Hindi ko minamaliit ang kakayanan ng Coast Gurads sa pamamaril, pero kahit na sinong marunong humawak ng baril ay magsasabing mahirap ang gusto nilang magawa, na tamaan lang ang isang bahagi ng barko, sa ganyang hangin, sa ganyang alon.
Kakasuhan na ng NBI ang mga tauhan ng Coast Guard na sangkot sa paamamaril at pagpatay sa mangingisdang Taiwanese. Naging mas mabigat pa ang kaso, dahil sa kanilang pagbabago ng ebidensiya para maabsuwelto sa krimen. Dahil dito, tinanggal na ng Taiwan ang mga parusa na isinampa nito sa bansa nang maganap ang insidente sa Balintang Channel. Bukas na naman ang Taiwan para sa ating mga OFW, at tila bumabalik na ang magandang re-lasyon ng dalawang bansa.
Katulad sa ibang bansa, dapat may mga video na rin ang mga pulis sa mga sasakyan nila. At lahat ng kanilang kilos ay dapat sa harap ng kamera gawin. May utos na si President Aquino na linisin na ang kanilang mga hanay. Mas magandang panglinis ang video kamera. Kung makukunan ang mga kilos ng mga pulis, anong kalokohan pa ang magagawa? Proteksyon ito para sa kanila, at para na rin sa publiko. At para naman sa kriminal, matibay na ebidensiya. Nagiging malakas na sandata na nga ang CCTV laban sa krimen, panahon na para gamitin na rin ito ng PNP.
- Latest