Hindi nagprisinta ng ebidensiya
SINA Manuel at Mila ay may-ari ng isang lupain sa katimugang Luzon. Katabi ng kanilang lupa ay ang bahay nina Lando at Gina na tinayo noong 1961 pa. Ito ay galing sa nanay nila na pinsang buo ng nanay nina Manuel at Mila. Kapwa patay na ang kanilang ina.
Noong 1987, nadiskubre nina Manuel at Mila na ang bahay nina Lando at Gina ay umookupa sa kanilang lupa. Ito ay kumpirmado ng isang relocation survey. Sa kanilang pag-uusap, nangako si Lando at Gina na gagawan nila ng paraan upang malutas ang problema.
Ngunit walang ginawa sina Lando at Gina. Pagbalik nina Manuel at Mila sa paglalakbay noong 1991, napag-alaman pa nila na pinalakihan pa nina Lando at Gina ang kanilang bahay at ito ay sumakop pa sa 160 square meters. Kahit nangako muli sina Lando at Gina, hindi rin ito tumupad sa pangako. Kaya nagsampa na ng kaso sina Manuel at Mila sa Municipal Trial Court (MTC).
Hindi naman kinaila nina Lando at Gina ang panganga ri nina Manuel at Mila. Sinabi lang nila na alam daw nina Manuel at Mila noong nagpatayo sila ng bahay at buong akala raw nila ay sa ina nila ang lupang kinatatayuan nito. Noong 1991 lang daw nila napag-alaman na hindi sa kanila ang lupa. Ang halaga raw ng kanilang bahay ay P396,000.
Matapos ang paglilitis, nagpasya ang MTC pabor kina Manuel at Mila. Pinaalis kina Lando at Gina ang bahay nila at magbayad ng P300 na upa habang hindi pa nalilipat.
Umapila sina Lando at Gina sa Regional Trial Court (RTC). Sinabi nila na dapat daw bayaran sila ng halaga ng bahay nila dahil tinayo nila ito ng buong tiwala na sa kanila ang lupa. Inapirma ng RTC ang desisyon ng MTC ngunit pinabalik sa MTC ang kaso upang dinggin ang hiling nina Lando at Gina na bayaran ang bahay nila dahil walang ebidensiyang naiprisinta ang mag-asawa tungkol dito. Tama ba ang RTC sa pagbalik ng kaso sa MTC?
Mali. Bagama’t maaaring ibalik nga ng RTC sa MTC ang kasong inapela sa kanila, hindi na dapat binalik ang apelasyon nina Lando at Gina sa kasong ito. Ang hindi nila pagprisinta ng ebidensiya sa MTC tungkol sa halaga ng kanilang bahay ay nangangahulugang tinalikdan na nila ang karapatang magprisinta pa ng ebidensiya tungkol dito. Hindi makatarungan para kina Manuel at Mila na ibalik pa uli sa MTC ang kaso at maantala pa ito muli samantala napagpasyahan na sila naman talaga ang may-ari at may karapatan sa pamumusisyon ng lupa. (Sps. Montecer vs. CA, G.R. 121646, June 21, 1999).
- Latest