SONA 2013
KATULAD ng inaasahan, inilista ni President Aquino sa kanyang ika-apat na SONA ang mga nagawa at tagumpay ng kanyang administrasyon. Hindi talaga pwedeng hindi mapuna ang pagkakaiba, para sa mabuti, ng administrasyon ni Aquino, na pinatibay pa ng tagumpay sa halalan at mataas na tiwala ng mamamayan. Sa aspeto ng edukasyon, trabaho partikular ang mga nakapagtapos sa TESDA, mga tinapos na proyekto na pinabayaan ng mga nakaraang administrasyon, reporma sa kawanggawa kasama na ang Philhealth, SSS, conditional cash transfer, kalusugan at modernisasyon ng pulis at militar. May mga pinuri siyang ilang miyembro ng kanyang Gabinete para sa mga nagawang magandang trabaho at reporma sang-ayon sa kanyang matuwid na daan. Tatlong pulis din ang pinuri para sa kanilang mga mabubu-ting trabaho. At sa kauna-unahang pagkakataon ay binatikos niya ang ilang ahensiya sa ilalim ng kanyang administrasyon para sa masamang trabaho – Immigration dahil sa mga nakatakas na suspek, Customs dahil sa patuloy na pagpasok ng mga kontrabando o hindi pagbayad ng tamang taripa, at ang National Irrigation Administration na kanyang binatikos mismo sa kanilang anibersaryo.
Dahil nasa kalagitnaan na rin siya sa kanyang termino bilang Presidente, minabuti niyang banggitin na ang mga tagumpay ng kanyang pamamalakad ng gobyerno, tulad ng kasunduan sa MILF at ang magandang ekonomiya na napapansin na raw ng ilang institusyon sa ibang bansa. Binanggit na rin niya ang mga kaso ng nakaraang administrasyon – anomalya sa TESDA kung saan pinangalanan pa niya ang salarin, ang anomalya sa PAGCOR at pati na rin sa PNP. Natuwa ako at binanggit niya ang mga paratang sa PNP ngayon. Ang insidenteng rubout sa Atimonan, at ang kasalukuyang imbestigasyon sa pagpatay sa pinuno ng Ozamis Gang na si Ricky Cadavero at kasama, na rubout din ang anggulo.
Pero hindi niya talaga mapapatuwa ang lahat. Nandyan ang mga karaniwang kilos-protesta ng mga karaniwang ahensiya at grupo, binabanggit ang mga karaniwang reklamo sa sinumang nakaupo sa Palasyo. May mga mainit na isyu na tila iniwasan, tulad ng panloloko sa gobyerno sa halagang P10 bilyon na gamit pa ang pork barrel ng ilang mambabatas. Medyo nag-ingat yata ang Presidente sa isyung ito. Hindi naman talaga kaya ng isang tao, o kahit ng isang administrasyon na may anim na taon lamang ang lahat ng problema ng bansa. Malaking sanhi rin nito ay ang mga iniwan o minanang problema o pagkukulang ng mga nakaraang administrasyon, lalo na itong kanyang sinundan. Pero tiniyak niya na ang kanyang mga reporma at program ay magpapatuloy, at hindi na dapat magduda pa ang mamamayan. Binantaan na rin niya ang mga pasaway at mga hindi pa nakikilalang tiwali sa gobyerno, at bilang na ang araw nila. Sana nga. Gusto kong makita na nakukulong na ang mga may kasalanan, hindi puro pagsampa ng kaso lang na tila hindi umuusad. At gusto kong maging tulad ng tatlong pulis na pinuri ang buong PNP. Sana ito na ang magiging laman ng kanyang susunod na dalawang SONA.
Dalawa na lang. Parang ang bilis, hindi ba?
- Latest