Walang takas
ANG RH Law ay isang batas na. Dumaan ito sa prosesong itinakda ng Saligang Batas kung saan nagkahingahan at nagkaalaman ang mga magkatunggaling panig sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan sa Kongreso. Maaalalang naging napakainit ng diskurso noong nakaraang taon. Hindi lang iilan ang tinakot ng excommunication ng simbahan. Maging si P-Noy ay hindi natakasan ang ganoong paninindak, patunay ng kung gaano kalalim ang takot ng simbahan na makakalusot nga ang panukala sa Kongreso.
At nakalusot na nga kaya heto tayo sa Mataas na Hukuman, ang huling takbuhan ng mamamayan laban sa inaakalang pagkakamali ng gobyerno. Di tulad ng Kongreso kung saan salang-sala nang mahigit 250 na kongresista at 24 na senador, ang mismong halal nating representante ang mga argumento kontra at laban sa panukala, sa Supreme Court ay 15 katao ang ultimong magdedesisyon ng kapalaran ng batas. Ang paalala ng ibang dalubhasa ay walang kapangyarihan ang mga Mahistrado na ibasura ang batas dahil ito’y maliwanag na pasya at kagustuhan ng nakararami. Maaring tutoo ang ganitong argumento. Dahil din sa prinsipyo ng separation of powers na nagsasabing ang Lehislatura at wala nang iba ang tagagawa ng batas, mariing pinapaalalahanan ng mga pro-RH ang Korte na dapat ay hindi na sila makialam.
Subalit alam natin na hindi maaring basta maghugas kamay na lang ang mga Justice. Dahil mismong ang Saligang Batas din ang nag-aatas sa kanila na pagpasyahan ang mga kontrobersyang inilalapit lalo na kung malinaw na labag sa probisyon ng Konstitusyon ang nilalaman ng isang batas. Isa itong sagradong katungkulan na hindi maaring talikuran. Kahit ano pa man ang personal na paniwala, hindi maaring talikuran ang sinumpaan.
Hindi matatakbuhan ng mga Mahistrado ang obligasyong magpasya. Kaya ano pa man ang sabihin, itong pangkat ng labing isang hindi halal na opisyal ng bayan ang sa huli’y makakapagsabi sa ating lahat kung ang RH Law ay magpapatuloy bilang batas o sa ultimo’y mababasura rin.
- Latest