EDITORYAL - Kailan sesermunan ang taga-LTO?
NOONG nakaraang buwan, sinermunan ni President Noynoy Aquino ang administrator ng National Irrigation Administration (NIA) na si Antonio Nangel dahil sa mahina nitong pamamahala sa tanggapan. Ginawa ng Presidente ang paninermon sa ika-50 anibersaryo ng NIA. Hayagang sinabi ng Presidente na walang nagagawa ang NIA ukol sa mga nasimulang proyekto na makatutulong sana sa pagpaparami ng ani. Hinalimbawa ng Presidente ang dam project sa Tarlac na hanggang ngayon ay hindi natatapos. Isang araw makaraang sermunan si Nangel, may kinuha nang kapalit ang Malacañang.
Noong July 12, 2010, sinermunan din niya si Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) administrator Prisco Nilo dahil sa maling report sa bagyong “Basyang†. Sa forecast ng PAGASA, ang tatamaan ng bagyo ay ang Aurora at Isabela provinces. Pero nagbago muli ang forecast at sinabing tatamaan na ang Quezon Province, Metro Manila at ilang probinsiya sa Southern Luzon. Ang pagkakamali, hindi naabisuhan ang mamamayan na maghanda. Ikinagalit iyon ng Presidente kaya ni-relieved siya sa puwesto. Makaraan iyon, nagbitiw na si Nilo sa PAGASA.
Umano’y mayroon pang sesermunang pinuno ng ahensiya si P-Noy sa kanyang nalalapit na State of the Nation Address (SONA) dahil umano sa hindi maampat na smuggling sa bansa.
Ang hinihintay ng taumbayan ngayon ay kung kailan sesermunan ni P-Noy ang namumuno sa Land Transportation Office (LTO). Napakaraming reklamo sa LTO at nangunguna na rito ang mabagal na pagpapalabas ng plate number at sticker ng mga sasakyan. Ayon sa mga nagrereklamo, noon pang nakaraang Enero sila nag-apply pero hanggang ngayon wala pang plaka ang kanilang sasakyan. Ang mga nag-renew naman ng regisÂtration ay walang maibigay na sticker para sa 2013. Sabi ng ibang nag-renew baka abutan na ng 2014 bago maibigay ang sticker para sa 2013.
Dahil sa kabagalan ng pagpapalabas ng plate number, pawang conduction number ang nakalagay sa mga sasakyang yumayaot sa Metro Manila.
Nasermunan na ang administrator ng NIA at PAGASA kailan naman kaya sesermunan ang namumuno sa LTO na noon pa balakid sa “tuwid na daanâ€.
- Latest