^

PSN Opinyon

‘Nakabingit sa sinulid’ (Unang bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

WALANG salitang makakalabas kung hindi pinayagan ng bibig, ngunit dapat salain ng katwiran ang itinutulak ng damdamin bago ito ibulalas.

Ganito ang naging batayan para akusahan ang magkapatid na Ronaida “Rona” Rayco—36 anyos at Lolita “Lolit” R. Aquino—42 anyos ng Balut, Tondo, Maynila.  Lumapit sa aming tanggapan ang dalawa upang malinawan ukol sa kinahantungan ng kanilang kaso na hanggang ngayon ay hindi nila mapaniwalaan ang  naging hatol.

Sinampahan sila ng kasong “Grave Oral Defamation” ni Hazel Rayco—34 anyos, asawa ng kanilang pamangkin na si Wilson Rayco—37 anyos, at isa pang kaso ng “Slight Physical Injuries” laban pa rin sa kanilang dalawa ngunit kasama naman ang kanilang ina na si Zenaida “Aga” Rayco—67 anyos. 

Ayon kay Hazel na pitong buwang buntis noon, bandang alas-6 ng gabi ng Pebrero 17, 2002 nakasalubong nilang mag-asawa ang magkapatid sa Malaya Extension corner Nepa(eskinita).

Napuna niya ang matalim na tingin sa kanya ni Rona kaya’t sinita niya ito. “Bakit ba ganyan kayo makatingin tuwing nakikita n’yo kami?,” ani Hazel.

 â€œEh gago ka pala eh! Pakan@##$% ka naman!,” sagot umano ni Lolit. “Ah talaga?! Patunayan n’yo sa korte yang mga binibintang n‘yo!,” ani Hazel.

“Gago ka pala eh! Pakan@#$ ka naman sa mga lalaki! P%*^ ka naman!,” dagdag pa umano ni Rona.

Biglang lumabas ang kanilang inang si Aga at pinagsasabunutan umano siya nito. Sinampal daw siya sa mukha ni Lolit sabay siniko siya sa tiyan ni Rona. Nabuwal at napaupo umano si Hazel sa lupa.

Tinulungan daw siyang makatayo ng mga kapit-bahay na sina Victoria Caparas at Luningning Ferrera na nakarinig sa kanilang sagutan. Sinubukan daw ni Wilson na awatin ang  mga ito.

Ikinabigla ng mag-anak ang lumabas sa salaysay na reklamo ni Hazel ukol sa nangyari. Si Aga raw dapat ang magsasampa ng reklamo dahil sa pambabastos sa kanya ng asawa ng kanyang apong si Wilson.

Para sa kanila sagad sa kasinungalingan ang sinalaysay na sumbong sa kanila ni Hazel sa tunay na nangyari nung gabi ng Pebrero 17, 2002.

Ayon sa dalawa galing sila sa kabilang kalsada pagkatapos magdala ng pagkain dahil kaarawan noon kanilang ina.

Nauunang maglakad si Rona kasunod ni Lolit sa may eskinita dalawampung hakbang malapit na sa kanilang bahay nung makasalubong nila si Hazel at Wilson.

“Ano?! Takot ka ‘no?,” biglang sinabi umano ni Hazel habang nakatingin kay Rona. Hindi ito pinansin ni Rona pero narinig ito ni Lolit. “Bakit Hazel? Inaano ka ba ni Rona?,” paninita umano ni Lolit.

“Eh mga p@#$%^&*$ n’yo pala eh,” sagot umano ni Hazel.

“Eh t@#$%^&* mo rin!,” ganting sagot ni Lolit. “Mga p@#$%^&*$  n’yo rin!,” sigaw ni Hazel sa dalawa.

Sabay labas ang ina nilang si Aga at kinumpronta si Hazel. “Bakit Hazel, ano ba problema at nagsisigawan kayo?!,” ani Aga.

“P@#$%^&*$ mo! Mga p@#$%^&*$ n’yo!,” sigaw umano nito sa tatlo.

Nagtuluy-tuloy ang sagutan ng apat habang nakapanood lamang umano si Wilson. Nilabas sila ng kanilang amang si Homer. Inawat silang lahat at pinapasok ang tatlo ng bahay.

Ilang sandali, nagambala sila nung sumugod daw sina Hazel at Wilson na kasama na ang kanyang mga tiyahin at lola.“Mga p@t&ng-ina n’yo! Wala nang kama-kamag-anak!,” sigaw umano ni Wilson.

Hindi nagkaroon ng pagkaka-ayos sa barangay hanggang pormal silang sinampahan ng reklamo ni Hazel.

Agosto 7, 2002 nahanapan ng “probable cause” para maisampa ng City Prosecutor’s Office sa korte ang kasong “Grave Oral Defamation”.

Ayon sa resolusyon, may pananadya na hiyain sa publiko itong si Hazel sa pamamagitan ng mga mapanirang puring salitang sinabi nina Rona at Lolit na wala namang batayan(“intent to prejudice the credit and reputation”).

Gayundin sa kasong “Slight Phys. Injuries” kung saan sinabing pinagtulungan ng tatlo si Hazel at naging dahilan upang masaktan siya. Kinailangang magpagamot sa loob ng isang araw ni Hazel na naging dahilan ng pagliliban nito sa paggawa ng mga normal nitong ginagawa.

Nagkaroon ng “arraignment” at nag-“plead” ng “NOT GUILTY” ang mag-iina. Dininig sa korte ang kaso at upang patotohanan ng prosekusyon ang kanilang bintang, prinisinta nila ang biktima at si Wilson bilang mga testigo.

Oktubre 23, 2006 inihain ng prosekusyon ang kanilang mga “documentary pieces of evidence” gaya ng “Medico legal Certificate”, Certificate to File Action(CFA), at “Complaint Affidavit”.

Abril 25, 2008 unang umupo para sa depensa si Rona, sunod si Lolit at panghuli si Aga. Iprenisinta din nila ang kanilang mga “documentary evidence” tulad ng “Emergency Room Record” ni Hazel mula sa Tondo Medical Center na may petsa nung araw mismo ng insidente, at ang  kanilang “Magkasanib na ganting salaysay”.

Pebrero 13, 2008 pinresinta ng prosekusyon si Geraldine Elardo bilang “rebuttal witness” at si Rona bilang “sub-rebuttal witness” ng depensa nung Hunyo 11, 2008.

Setyembre 8, 2008 lumabas ang hatol na “GUILTY” ang magkapatid sa kasong “Grave Oral Defamation” sa Metropolitan Trial Court(MTC) Manila Branch 27 sa ilalim ni Presiding Judge Myra Fernandez.

May sentensyang tatlong buwan hanggang isang taon at isang araw na pagkakakulong ito. Pinagbabayad din sila kay Hazel ng halagang 20,000Php para sa “moral damages”. “NOT GUILTY” naman ang mag-iina para sa kasong “Slight Physical Injuries”.

“Hindi po kami makapaniwala sa mga nangyari, hindi po talaga namin sinabi yung mga salitang ‘yon para madiin kami nang ganito,” ani Lolit at Rona.

Oktubre 18, 2009, nagsampa ng “Motion for Reconsideration” ang panig ng magkapatid sa Regional Trial Court(RTC) Manila Branch 18 para muling tingnan ang desisyon.

Alamin kung ano ang sagot sa apilang ito ng RTC Manila. Bakit humantong sa mataas na hukuman ang kasong itong nagsimula lang sa simpleng tinginan? ABANGAN sa MIYERKULES ang karugtong ng kwentong ito dito EKSKLUSIBO sa CALVENTO FILES sa ­PSNGAYON. (KINALAP NI PAULINE VENTURA)

Sa gustong dumulog, ang  aming mga numero ay 09213263166, 09198972854, 09213784392 at 0906-7578527. Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Follow us on twitter: Email: [email protected]

AYON

BAKIT HAZEL

GRAVE ORAL DEFAMATION

HAZEL

KANILANG

LOLIT

RONA

UMANO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with