Matagal nang isyu at problema
KUNG matutuloy ang plano ng Palasyo para sa mga empleyado ng PAGASA, baka tumigil na raw ang pag-alis ng ating mga “weathermen†para magtrabaho sa ibang bansa. Deretso na raw matatanggap ng mga empleyado ang kanilang mga benepisyo mula sa national budget. Noong araw kasi ay buwan ang inaabot bago nila matanggap, kaya may mga nadidismaya at humahanap na lang ng trabaho sa ibang bansa na mas malaki ang sahod. Nasulat ko na noon na may website kung saan makikita ang sahod ng isang meteorologist sa Amerika, at napakalaki nga naman. Inaasahan na kung matutupad ang nilagdaang kasunduan, baka hindi na isiping umalis ang mga nasa bansa pa. Ang hanap lang naman daw nila ay disenteng sahod, at hindi naman daw para yumaman nang husto.
Siguro idagdag na rin ang salitang ‘kumportable’ sa pahayag na iyan. Marami kasing puwedeng ibig sabihin ng disente. Marami nga riyan sa gobyerno ay hindi di-sente kung kumita, hindi ba? Kapag sinabing kumpor-table ay kasama na riyan ang edukasyon ng mga anak, ipon para sa kalusugan kung sakaling kailanganin, at konting nakatabi para sa pagretiro. May ulat na lumabas na karamihan ng mga Pilipino ay hindi handa para sa kanilang pagreretiro. Dahil na rin sa hindi naman kalakihan ang kinikita ng karamihan.
Ang tanging dahilan naman kung bakit marami sa ating mga kababayan ang umaalis para magtrabaho sa ibang bansa ay ang mababang sahod. Sino ba ang ayaw nang malaking sahod? Gumaganda nga ang ating ekonomiya sa ilalim ng administrasyong ito, pero hindi pa lubusang nararamdaman ng lahat, lalo na mga mahihirap. Malaki pa ang agwat ng mga mayayaman at mahihirap, dahil hindi pa pumapantay ang sahod ng ordinaryong Pilipino sa mga sahod ng ibang bansa.
Kung mapipigilan ang mga meteorologist na umalis dahil maganda na rin ang sahod at benepisyo nila, sana magawa na rin iyan para sa lahat ng propesyon. Ang isang naiisip ko ay ang nursing. Marami pa ring mga nakapagtapos ng nursing ang gusto pang makaalis, dahil maliit pa rin ang sahod dito sa atin. Kung maganda na ang sahod dito, bakit pa aalis at malayo sa mga mahal sa buhay? Malaking isyu at problema talaga ito noon pa, na hindi rin masosolusyunan kaagad. Pero kahit papano ay masimulan na, hindi ba?
- Latest