Roll call
TUWING magtatapos ang isang regular session ng Kongreso, umaapaw ang impormasyon tungkol sa mga naging accomplishment ng mga senador at congressman na miyembro ng dalawang Kamara. Karamihan ng istatistika ay hindi tungkol sa quality o kalidad ng paglilingkod dahil mahirap ding kwentahin kung kaninong performance ang mas nakaangat. Sa halip ay puro quantity ang sinusukatan. Ang isa sa laging inaantabaÂyanang scorecard ay ang attendance record ng ating mga kinatawan. Gaano ka man kagaling o kahina, hindi maitatatwa na tanging sa pagpapakita at pag-attend sa sesyon mapupurbahan kung ikaw nga ay may maipagmamalaki. At bilang mga idolo ng bayan, magandang halimbawa rin sanang maiwan kung sila ay marunong sumunod sa patakaran.
Ang ating mga representante ay may kanya-kanyang benÂtahe na kung bakit natin sila iniluklok. Maaring ang environÂmental agenda ni Sen. Loren ang iyong ibig, o ang konsentrasyon ni Sen. Gringo sa peace and order issues. Noong kandidato pa lang sa pagka-senador si Noynoy Aquino, good governance ang kanyang pangako. Paano nila ipaglalaban ang mga programang ito kung ni hindi man sila masilayan sa Senado? Hindi lamang ang pagsipot sa botohan ang kritikal sa buhay ng isang mambabatas. Dapat ay nandoon din siya kapag nagdedebate at nagdidiskusyon dahil tanging sa ganitong paraan magiging bahagi ng paghubog ng anyo ng lehislasyon pagdating nito sa aktuwal na pagboto.
Noong Senador pa ang aking ama, hinangaan ito dahil lagi itong handa humarap sa anumang usapan. Hindi lang ito dahil sa kanyang masinsinang research. Resulta rin ito ng kanyang pag-attend hindi lamang sa mga sesyon kung hindi rin sa lahat ng committee hearing kung saan siya miyembro.
Sa mga Senador ng kasalukuyang Kongreso, tanging sina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at si Majority Leader Sen. Tito Sotto ang nakatala ng perfect on time attendance. Ni minsan sa buong 214 session days ay hindi sila na-late. At sila rin ang top 2 sa perfect attendance, una si Sotto pangalawa si Estrada. Kulelat sa kategoryang ito sina Sen. Serge Osmeña at Sen. Kiko Pangilinan.
- Latest