Bising-bisi ang Sandiganbayan!
BISING-BISI ang Sandiganbayan ngayon. Nauna ang hold departure order (HDO) na inilabas nila laban kay Jacinto Ligot, ang dating AFP comptroller na may kasong pandarambong dahil sa hindi mapaliwanag na kayamanan na hindi tugma sa kanyang propesyon bilang sundalo. May forfeiture case na sinampa rin ang Ombudsman laban kay Ligot, kanyang asawa, mga anak, bayaw at pinsan ng kanyang asawa. Higit P100 milyon ang halaga ng forfeiture case na isinampa. Kung tutuusin, kulang pa iyon sa daan-daang milyon na nakuha niya umano noong siya’y comptroller ng AFP. Pero mabuti naman at hindi siya makakatakas ng bansa.
Ngayon naman, naglabas na rin ang Sandiganbayan ng HDO laban kay dating PAGCOR chairman Efraim Genuino at anim pang akusado kaugnay sa graft at malversation na isinampa ng Ombudsman sa kanila. Ginamit nila umano ang pondo ng gobyerno para abonohan ang isang pelikula na hindi kumita, mga donasyon sa ilang pinaborang party-list group, at kuwestiyonableng paggastos sa iba’t ibang gamit at kasangkapan.
Dagdag na rin natin ang arrest warrant na inilabas ng Sandiganbayan para kay dating PNP Director General Jesus Versoza at iba pang opisyal kaugnay sa pagbili umano ng mga segunda manong helicopter sa presyong mahal, at mga biniling ubod nang mahal na rubber boats pagkatapos ng bagyong Ondoy. May HDO na rin silang lahat. Lahat ng mga kasong isinampa sa kanila ay naganap sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Hindi talaga pakakawalan ng kasalukuyang administrasyon ang mga kaso. Pero puro HDO at warrant of arrest pa lang ang nagagawa, wala pang aktuwal na paglilitis kaya wala pang nakukulong!
Tatlong taon na ang lumipas sa administrasyon ni President Aquino. May tatlong taon pa siya sa Palasyo. Sana, sa loob ng tatlong taong iyan, kung sinuman ang mahatulang maysala ay makulong na. Kung hindi, at iba na ang maupo sa Palasyo, anong malay natin kung ano ang mangyayari sa mga kasong ito? Mababaon sa limot tulad ng memorya ni Ligot?
- Latest