^

PSN Opinyon

‘Pre, sino da best?’ (huling bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

TATLONG tao ang nagsalita para magpatunay sa umano’y totoong nangyari ng gabing iyon. Apat na suspek ang tinuturong tumulong daw sa pagpatay kay ‘Jerick’. Ang magpinsang Jervy at Rommel Carampot, Aljhon Mendoza at Arjay Descalso.

Nung Biyernes isinulat namin ang kaguluhang nangyari sa Lugawan ni Boyong sa Brgy. Camachile I, General Trias, Cavite na naging dahilan ng pagkamatay ng 19 anyos na si Jerick Rojas. Itinanggi ng mga suspek ang pagdidiin sa kanila ng saksing sina Jearome Aspuria, 26 anyos, Mark Vien Madlangbayan, 19 taong gulang at tanod na si Jay Pacheco, 38 anyos.

PARA SA ISANG BALANSENG PAMAMAHAYAG, base sa isinumiteng Joint Counter Affidavit nila Aljohn at Arjay ang salaysay ng ina ng biktima na si Eulalia “Lily” Rojas ay base lang sa salita ng ibang tao o ‘hearsay’. 

Nangyari ang krimen Mayo 22, 2011, 12:30 ng gabi bakit umaga pa lang nagreklamo na sa pulis si Lily. Kinwestyon niya rin ang salaysay nila Jearome at Mark Vien. “’Di siya sigurado sa nangyari kaya wala siya masabi kundi ang ituro si Aljohn dahil siya lang ang kilala niya.” –laman ng kontra-salaysay.

Ito daw ang dahilan kung bakit, ‘di pa dinetalye ng mga testigo ang pangyayari. Huli na rin nakapagbigay ng salaysay si Jay. Bilang tanod dapat daw sinabi na niya nung una pa ang nasaksihan.  Bagamat nareserba ng mga sasabihin, bigla silang gumawa ng Susog na Salaysay para iayos ang nauna at kumpletuhin ang isang pantasya.“Malinaw sa Police Report na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang grupo at nagkaroon ng suntukan.”-giit ng mga suspek.

Base sa ginawang Sinumpaang Susog na Salaysay ng Pagli­linaw ni Mark nakasaad na: Nung nasabing petsa at oras, pumunta silang magpipinsan sa ‘QJ Gotohan’-- harap ng Camachile Subd. Nadatnan nila ang grupo ng lalaki nakatayo sa bayaran at isang grupo ng lalaki na ang iba’y naka-upo’t ang iba nakatayo na.

Umupo sila sa bakanteng mesa sa tabi ng ‘counter’. Si Jerick lumabas dahil sinagot ang tawag sa cell phone. Habang umoorder, biglang  may nagsalita ng malakas sa likuran ni Jearome. “Ikaw na! Da best na kayo!”.

Napansin nilang lasing mga ito at nangangamoy alak kaya’t nagkatinginan na lang sila ni Jearome at nagsawalang kibo. Pumunta sa kusina ng gotohan ang nagsalita. Pumasok si Jerick at umorder rin.

Bumalik ang lalaki na kilala pala ni Jearome, na nagngangalang ‘Aljohn’ taga Brgy. Santiago. Kasama niya ang isang lalaki na galing rin kusina. Tumayo sila sa likod ni Jearome. Nagsalita muli si Aljohn, “Ikaw na! Da best na kayo!”

Lumingon si Jearome na noo’y nakaupo sa harapan at nagsalita, “Pre, sino da best?”. Pumunta si Aljohn sa tagiliran ni Jearome at bigla itong sinuntok sa kanang mukha. Nahulog si Jearome sa silya at bumulagta.

Dito na sila pinagtulungan nila Aljohn at lima pang kasama.

Mas marami ang mga ito at mas matatanda kaya’t pilit nilang dinepensahan ang sarili para makawala. Nagpumilit siyang tumakas subalit suntok, sipa, hampas ng bote at takip ng kaldero at saksak ng tinidor ang kanilang inabot.

“Binayukos ako ng lalake na si Jervy. Iyong isang lalake pinalo ako ng bote sa ulo. Sinaksak naman ako ng tinidor ni Arjay,” –salaysay ni Mark.

Wala na daw si Jearome nun. Nakita niya si Jerick na pinagtutulung-tulungan ng tatlong lalaki. Kinaladkad siya sa kusina. Nagpumiglas ito subalit ‘di nakawala sa dalawang lalaki. Sumigaw si Arjay sa mga kasama na noo’y binubugbog si Jerick, “Pre p^7@#n6 i#@! ‘Wag natin pakakawalan yan! Papatayin na natin yan!” sabay punta sa kusina.

Kinagat ni Mark ang tiyan ni Jervy, nabitiwan siya. Tumakbo siya sa gilid ng kusina, sa pintuan upang tulungan si Jerick. Kaya lang, nakita niya nakahulagpos na ito. Hawak sa magkabilang kamay ng dalawang lalaki.

Nasaksihan niyang paulit-ulit pinalo ni Aljohn si Jerick sa ulo gamit ang malaking takip ng kaldero. Lumapit si Arjay, may dalang kutsilyo (panghiwa ng tokwa’t baka sa lugawan) at sinaksak daw si Jerick sa dibdib. Sa takot nanakbo siya papasok ng Camachile I. Duguan na si Jerick paglabas ng gotohan.

Nagsampa ng kaso sina Lily subalit laban lang ito sa magpinsang suspek. Nagsumite sila ng ‘Amended Information’ para isama sa kaso sina Aljohn at Arjay at maiakyat sa ‘murder’ ang kasong ‘Homicide’ na unang nai-‘file’.

Masusing pinag-aralan ng tagausig na si Asst. Prov. Prosec Carlos A. Catubao ito at nailabas ang resolution Ika-12 ng Enero 2012. Dahil sa higit na mas malakas ang mga suspek (use of superior strength) nirekomenda ng taga-usig na mula Homicide iakyat ang kaso sa ‘Murder’ at isama sa kaso sina Aljohn at Arjay bilang ‘co-accused’.  Nagsampa ng Motion for Reconsideration ang mga akusado subalit ‘denied’ dahil wala na ito sa ‘jurisdiction’ ng Prosecutor’s Office.

Ika-19 ng Enero 2012, ibinaba ng RTC- Branch 23 ang Warrant of Arrest para kina Jervy at Rommel Carampot, Aljhon Mendoza at Arjay Descalso sa kasong Murder.  Kasalukuyang nagtatago ang mga suspek kaya’t hiling ni Lily isulat namin ito at ilagay ang kanilang larawan para madakip.

Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” DWIZ882KHZ 3:00-4:00PM(Lunes-Biyernes)/ 11:00-12:00NN(Sabado).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa pagitan ng pagtanggi ng mga akusado ‘denial’ at sa positibong deklarasyon ng isang testigo lagi namin sinasabi na ang huli ang bibigyang timbang ng korte. Ang kontra-salaysay nila Arjay na puro pagtanggi ay isa mahinang depensa (alibi is the weakest form of defense). Sa dami ng tama nitong si Jerick sa ulo, sa braso (defense wounds) at sa saksak niya sa bandang ibaba ng dibdib, nagpapatunay lang na talagang tutuluyan nila ito. Gumamit sila ng higit na lakas, apat laban sa isa kaya’t naiakyat sa murder ang kaso.  Sa pagtatago ng mga suspek, nagpapatunay lang na tinatakasan nila ang kaso. “Flight is an indication of guilt”, kung wala talaga kayong kasalanan bakit ‘di kayo lumutang at linisin ang inyong pangalan.

Naghain ng mosyon ang mga akusado sa korte para ibasura ang ‘Warrant of Arrest’ ngunit hanggang ngayon ‘di binabawi ng hukom ang kanyang inilabas. Ang ‘warrant’ na ito’y balido at maari sila hulihin ng sinumang pulis sa bisa nito.

Sa nakakaalam kung nasaan ang mga suspek makipag-ugnayan lang sa mga numero sa ibaba. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166(Chen) /09213784392 (Pauline) /09198972854 (Monique).  Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Follow us on twitter: Email: [email protected]

ALJHON MENDOZA

ALJOHN

ARJAY

JEAROME

JERICK

JERVY

LANG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with