EDITORYAL - Babala sa mga driver na lasing at bangag sa droga
NOONG nakaraang Huwebes ng gabi, isang babae ang namatay at grabe namang nasugatan ang asawa nito. Binangga ng isang sports utility vehicle (SUV) ang sinasakyang motosiklo ng mag-asawa. Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang babae. Nabasag umano ang suot na helmet ng babae. Ayon sa mga pulis, lasing ang driver ng SUV. Nahuli agad ang driver na tangka pang tatakas.
Nang araw na maganap ang malagim na pagbangga, nilagdaan naman ni President Noynoy Aquino ang Republic Act 10586 o ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013â€. Sa ilalim ng batas, ang sinumang mahuhuli na nagmamaneho na nasa impluwensiya ng alak at pinagbabawal na droga ay makukulong ng tatlong buwan at pagmumultahin ng P80,000. Bibigat naman ang parusa kapag mayroong napinsala at namatay. Magmumulta ng P200,000 hanggang P500,000 kapag may napinsala at namatay kapag napatunayang nagmaneho nang lasing o kaya’y lango sa droga. May katapat din itong mahabang pagkakakulong.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) karamihan ng mga nangyayaring aksidente sa sasakyan sa Metro Manila ay dahil lasing ang drayber. Dumadami nang dumadami ang aksidente at nakakaalarma na sapagkat maraming motorista at pedestrians ang nadadamay. Ayon pa sa MMDA, karaniwang nangyayari ang aksidente sa madaling araw. Mayroong sasakyan na bumabangga sa poste, pader, at madalas din na may inaararong kabahayan o mga taong naglalakad at naghihintay ng sasakyan.
Napapanahon ang pagsasabatas ng RA 10586. Ito ang sagot sa walang disiplinang pagmamaneho. Ginagawa nang bisyo ang pagmamaneho habang lasing o kaya’y bangag sa droga. Inilalagay sa panganib ang buhay ng ibang tao at sumisira ng ari-arian. Agarang ipatupad ang batas na ito. Magkaroon nang sapat na equipment ang MMDA traffic enforcers, para ma-detect nang agaran ang mga lasing at bangag. Hindi rin naman sana masuhulan ang traffic enforcer na huhuli sa mga lasing.
- Latest