Pangil
NILAGDAAN na ni President Aquino ang batas laban sa pagmamanehong lasing o nasa impluwensiya ng iligal na droga. Ngayon, pwede ka nang patabihin o hulihin ng pulis kung may hinala sila na iya’y lasing o nakainom nang marami, o kaya’y nasa impluwensiya ng iligal na droga. May mga pagsusuring pwedeng gawin kaagad at kapag hindi pumasa ay pwede ka nang kasuhan at multahan. Mas mabigat ang multa at parusa kapag may nasaktan o may namatay sa isang aksidente.
Sa totoo lang, hindi ko alam na ang magmanehong lasing o naka-droga ay hindi bawal sa batas. Akala ko ay matagal nang batas ito. Tila ang nangyari ngayon ay binigyan ng pangil ang batas, at may otoridad na ang mga pulis na kumilos base sa hinala pa lang. Kung pagiwang-giwang sa kalsada, pagmamaneho nang mabilis o biglaang pagpreno, sapat na hinala ang mga ito para ipasailalim sa pagsusuri.
Ewan ko lang kung magiging pamamaraan ng pag-aabuso naman ito sa panig ng mga pulis, o isang pamamaraan para mangikil. Hindi ko nilalahat, pero baka meron lang. Naaalala ba ninyo ang pulis na gumawa ng kwento at nangikil sa anak ni NCRPO chief General Espina? Hindi malayo na may mangyaring ganyan kapag may kapangyarihan na ang pulis na pahintuin ka sa kalsada.
Sa loob ng apat na buwan, magkakaroon na daw ng mga breath analyzer ang pulis at MMDA. Magagamit ito sa pagsuri ng mga hininga ng mga hinihinalang lasing. Kung noon ay hindi puwedeng gawin ito, ngayon puwede na. Kaya sa kalsada pa lang ay may ebidensiya na kung sakali. Ang mahalaga nito ay ang pagpapatupad ng tapat ng mga otoridad sa batas. Alam niyo naman, lahat ay madadaan sa usapan, ika nga. Marami na ang napinsala dahil sa mga lasing na drayber. Kung hindi sila mismo ang namamatay, may napapatay sila o lubhang sinasaktan.
Tama lang na may pangil na ang batas. Pero kailangan ring mag-ingat at hindi naman abusuhin ang otoridad. Ang dapat ding gawin ay maglagay ng video camera sa mga sasakyan ng pulis, at lahat ng gawain ay laging nasa harap ng camera, tulad sa Amerika at ibang bansa. Proteksyon na rin ito para sa mamamayan, at sa pulis na rin. Kung walang tinatago, walang isyu ang video ca-mera, di ba?
- Latest