Masusubukan na ang ating pasensya
NAPAKARAMI pa ng mga ginagawang proyekto sa mga pangunahing kalsada, na tila matagal pa bago matapos. Ang problema, sa isang linggo ay magbabalikan na ang ilang milyong mag-aaral sa mga paaralan. Alam na ninyo kung ano ang mangyayari. Kung nakaranas tayo ng konting pagluwag sa trapik sa ilang oras bawat araw, mawawala na lahat ito. Di kaya magkatotoo na ang anim na oras na trapik na ibinanggit ni Dan Brown sa kanyang bagong nobela na itinanggi at ikinagalit ni MMDA chairman Francis Tolentino? Hindi nga anim na oras ang trapik, pero matindi pa rin. Sa totoo lang, isang oras na trapik nakakatuyo na ng dugo. Tiyak may magwawala na naman diyan kapag may nakatunggali sa kalye, at dahil magtatapos na rin ang Comelec gun ban, delikado na naman tayong lahat at magbibitbit na ng baril ang iba riyan!
Dapat ilagay ng mga contractor sa isang billboard kung gaano katagal pa ang ginagawa nilang mga trabaho, para alam din ng mga motorista kung kailan matatapos. Sa ganun ay makapagpaplano ng ruta kung kaila-ngang iwasan ang isang lugar o hindi. Kulang kasi ang interactive site ng MMDA at mga pangunahing kalsada lamang ang may impormasyon ukol sa trapik. Alam ko dati ay ginagawa iyan pero wala na akong nakikita. Baka kasi hindi na puwedeng ilagay ang pangalan o larawan ng pulitiko na na sa likod “daw†ng mga proyekto!
At panahon na rin para maging mahigpit ang MMDA sa mga kalsadang ginagawang paradahan, basketball court, at tiangge na walang pahintulot. Hindi lumalapad ang ating mga kalsada habang parami nang parami naman ang mga sasakyan. May mga murang sasakyan pa nga na galing China, pati na rin ang mga sasakyan mula sa Cagayan kaya marami na ang may sasakyan ngayon. Pero ang EDSA ganun pa rin, ang Quezon Ave. ganun pa rin, ang Taft ganun pa rin, ang Ayala, Pasay Road at Buendia ganun pa rin – bagama’t iba na ang pangalan ng iba. Bakit nga ba kailangang palitan ang pangalan ng kalsada na kilala na ng ilang taon? Nakakalito minsan kapag binanggit ang isang kalsada at malaman-laman ko na Buendia pala o kaya Sucat road pala. Parating na rin pala ang ulan, kaya naku, mukhang masusubukan talaga ang pasensiya nating lahat kapag bumabaybay na ng Metro Manila. Iisipin mong impiyerno talaga!
- Latest