Taiwan president nabistong duwag, hindi pinakikinggan
MATAPOS mang-angil sa Pilipinas, umatras si Taiwan president Ma Ying-jeou. Nanawagan siya sa kababayan na huwag manakit ng mga Pilipino dahil lang sa pagpatay ng Philippine Coast Guard sa isang mangingisda nila. Pero huli na ang lahat. In-agitate na niya sila nang tawaging insinsero ang apology ng Pilipinas. Nanggulpi tuloy ang mga kanto-boy ng tatlong Filipino workers sa Kaohsiung, at inatake ang female workers’ dorm sa Taichung.
Binisto ng mga insidente na hindi pinakikinggan ng mamamayan si Ma. Basura siya para sa kanila. Na-reelect siya nu’ng 2012 sa manipis at madayang mayoryang 51%; bagsak sa 14% ang approval rating niya. Nag-rally ang matitinong Taiwanese laban sa mga nananakit. Napahiya si Ma. Ni hindi niya magarantiyahan ang seguridad ng personal envoy ni President Noynoy Aquino na nais makiramay sa pamilya ng namatay.
Mula’t sapol, sinulsulan lang ng divided Taiwanese media si Ma na bastusin ang Pilipinas. Dahil takot siya sa kanila, itinigil niya ang pagtanggap ng bagong Filipino workers, at pag-renew ng mga datihan na -- na ikinagalit ng mga pabrika at pamahayan. Nagbanta siya ng trade embargo -- na ikinatakot ng mga negosyante dahil, sa $11 bilyong taunang kalakal ng dalawang bansa, lamang sila nang P6.7 bilyon.
Duwag ang tingin ng Taiwanese kay Ma. Nu’ng kumakampanya, pumustura siyang kontra-Beijing, pero nang maging President ay sumipsip sa mga komunista. Sa kaduwagan niya, ni hindi niya masabi sa media at sa publiko nila ang katotohanan: na napatay ang mangingisda dahil nagpo-poach sa dagat-Pilipinas. At pinaputukan sila ng Coast Guard dahil tinangkang banggain ng barkong bakal nila ang fiberglass patrol craft ng Pilipinas.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest