Baril, pera, goons
ANO naman ang kuwento ng 14 na tauhan umano ni MNLF Chairman Nur Misuari na nahulihang may mga baril at pera na nagkakahalaga ng P300,000, sa loob ng pampublikong paaralan na presinto rin sa Tondo, Maynila? May hinahanap daw silang tao na baka bumoto sa paaralan. At kaya raw sila armado ay para sa proteksyon nila. Kapag nasa Mindanao raw sila, armado sila para proteksyon. Ang alam ko hindi bahagi ng Mindanao ang Tondo. At ang alam ko rin ay may kasalukuyang Comelec gun ban. Pero para sa 14 na ito, tila hindi sila sakop ng anumang batas. May mga dalang baril sa araw mismo ng eleksyon. Parang sampal sa mukha ng mga awtoridad ito. Ganito ba mag-isip ang MNLF?
May termino sa batas na “res ipsa loquitur†o sa Ingles, “the thing speaks for itselfâ€. Siguro kung Tatagalugin natin ay “obvious ba?†Armado ka, may dala kang maraming pera, at nasa presinto ng Comelec ka. Ano pa ba ang gagawin ninyo? Sabi ni Chairman Misuari, para sa Mindanao raw ang pera. Hindi ba pwedeng idaan na lang sa banko ang ganyang halaga? At 14 na tao pa ang “bantay†ng P300,000? Kung P10-milyon siguro iyan maiintindihan ko ang dami ng escort at armas.
Ito ang mahirap sa mga taong naniniwalang hari sila sa kanilang lugar. Kapag nasa ibang lugar, ang paniniwala ay hindi na sila sakop ng batas. Dapat malaman kung ano ang kanilang ginagawa sa Maynila sa kasagsagan ng halalan, armado lahat. Kailangan na rin makausap ang MNLF kung bakit nila pinahihintulutan ang kanilang mga tauhan na bumiyaheng armado sa Metro Manila.
Hindi lang sila ang nahulihan ng mga baril sa araw ng eleksyon. Limang ahente umano ng NBI ang nahuli ng Cavite PNP sa harap ng mansyon ni Sen. Bong Revilla. Iba-ibang kuwento ang lumalabas kung bakit sila nandun at bakit may mga dalang malalakas na armas na hindi pasok sa exemption sa gun ban. Wala na talagang pagbabago ang pulitika sa Pilipinas. Talagang umiiral ang baril, pera at goons kapag panahon ng halalan. Kung sino ang may marami nito, siya ang malamang na mananalo, lalo na sa mga lalawigang malayo na sa Maynila. Kaya parang tinatawanan na lamang ang eleksyon ng mga pulitikong ito.
- Latest