EDITORYAL - Aberya sa botohan
DUMAGSA kahapon ang mahigit 52 milyong Pilipino sa mga presinto sa buong bansa para bumoto. Alas sais pa lamang ng umaga ay marami nang nagpunta sa mga school na bobotohan. Ilan sa kanila ang mas nauna pa sa mga poll watchers. Pero kagaya ng mga nakaraang election, sumulpot na naman ang dating problema: wala ang kanilang pangalan sa listahan ng mga botante, hindi makita ang presinto na bobotohan, sobrang haba ng pila ng mga botante at ang matinding problema, ang pagpalya ng PCOS machines sa ilang mga presinto.
Sa isang school sa kahabaan ng Commonwealth Ave. sa Quezon City ay may mga PCOS machine na ayaw tanggapin ang balota na pini-feed. O kung tinatanggap, hindi naman ito mailuwa sapagkat nagbabara at napupunit ang isinubong thermal paper. May isang school pa sa Quezon City na kailangang pang sundutin ng barbecue stick ang isinubong papel para lumabas. At ang nakapagtataka ay wala namang technician na nakaantabay para mag-asikaso sa pumalyang PCOS. Isa ring kapansin-pansin ay walang maipalit sa nagka-aberyang PCOS. Maski ang mga teacher na nagsilbing Board of Election Inspectors ay walang maibigay na solusyon o remedyo para magtuluy-tuloy ang pagboto. Ang aberya sa PCOS ang naging dahilan para magkaroon nang mahabang pila. Sa isa pang school sa Maynila, mayroong inabot ng dalawang oras sa pila bago nakaboto.
Sa Marikina, maraming PCOS machine ang hindi gumana. Maraming botante ang nadismaya. Ang naging solusyon, nagmano-mano ang election sa nasabing lungsod. Ayon sa mga botante, matagal ang kanilang ginugol sa paghihintay pero papalpak lang pala ang PCOS.
Maganda ang automation ng election pero dapat namang siguruhin ng Commission on Elections (Comelec) na nakahanda sila sakali at magkaroon ng aberya ang PCOS machines. Hindi naman lahat ng PCOS ay palpak, marami pa rin namang naging maayos ang botohan. May mga lugar sa bansa na ang mga presinto ay walang pila at mabilis na nakita ang mga pangalan ng botante.
Marami pang dapat isaayos ang Comelec. Kaunti pang husay ng sistema at makakamit na ang tunay na tagumpay. Ikalawang pagkakataon pa lang na isinagawa ang automation at maaaring sa susunod ay magiging maayos na ang election.
- Latest