Hinagpis ng Lotto agents
UMAANGAL ang ilang may-ari ng lotto outlet sa bagong “sales operations†policy ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Marami na raw lotto outlets lalo na yung mga walang Keno Lotto at yaong mga naunang nakakuha ng prankisa ang nalulugi na at ang iba’y tuluyan nang nagsara.
Hinagpis ito ng Luzon Lotto Agents Association (LLAA) sa pamumuno ni Ronaldo Cumpas. Ang mga pioneer lotto agents daw o yaong may outlet na malayo sa paaralan ay mahigpit nang nakikipagkumpitensya sa mga lotto outlets malapit sa paaralan. Ha? May ganyan na ba!!? Akala ko bawal magtayo ng lotohan sa mga lugar na malapit sa paaralan at simbahan.
Sa dating policy, kailangang 100 metro layo ng bawat outlet mula sa paaralan o simbahan. Sa bagong circular daw ng PCSO, ginawang 50 meters na lamang ang distansya at ito ang dahilan ng congestion of outlets na ikinalulugi ng marami. Ahh, dapat ngang repasuhin ng PCSO ang policy nito.
Ang LLAA ay nagpadala ng sulat kay Senator Lito Lapid, vice chairman ng Committee on Games and Amusement. Hiniling ng samahan ng mga magloloto na busisiin ng Senado ang ganitong patakaran na ipinatutupad nang walang konsultasyon sa mga owners. Ewan ko kung alam ito ng simbahan at mga sibikong sektor na tutol sa sugal. Pero tiyak na aalma rin sila dahil tila itinatatag ang isang culture of gambling.
Ilan pa sa tinututulang patakaran ay ang pagpapasara sa outlet na dalawang beses naantala sa pagdeposito ng benta at suspension naman para sa mga may-ari na hindi agad magsusumite ng kanilang report sa PCSO. Gayun din ang surety bond na dating P5,678 lamang ay ginawang P7,058 na ayon kay Cumpas ay lalong pabigat sa mga maliliit na outlet. Pati ang renewal fee na anila’y suntok sa buwan – kailangang magbayad ng P3,750 mula sa dating P2,500 ma-approve man o hindi ang renewal.
Tinututulan din ng samahan ang pagbabayad sa mga lotto cards, report papers at thermal tickets na dati ay libre lang. Napakamahal umano ng mga lotto cards, thermal tickets at report papers kumpara sa idinagdag na dalawang porsyento sa komisyon. Siguradong abunado pa sila imbes na kumita.
PCSO chair Margarita Juico, paki-aksyonan naman po at pakisilip na rin ang policy ng PCSO para sa ikabubuti ng lahat.
- Latest