EDITORYAL - Malaking aral ang Boston Marathon bombing
KUNG saan maraming tao, iyon ang tinatarget ng mga terorista. Gumagana ang kanilang isip at hindi tumitigil para makawasak at makapatay ng mga inosenteng mamamayan. Ang nangyaring pagpapasabog ng bomba sa Boston, Massachussets noong nakaraang linggo ay maaaring mangyari kahit saang lugar, kahit na rito sa Pilipinas. Sumi-singaw ang terorismo kahit saan. Kahit pa sabihing mahigpit ang seguridad, gagawa ng paraan ang mga terorista para maisakatuparan ang kanilang masamang balak. Hindi titigil ang mga terorista hangga’t walang nakikitang bumubulagta at umaagos ang dugo.
Tatlo ang namatay at 176 ang nasugatan nang da-lawang bomba ang pinasabog sa finish line ng Boston Marathon. Ang bomba ay inilagay umano sa pressure cooker. Kabilang sa mga namatay ang isang 8-taong gulang na batang lalaki, isang 29-anyos na babae at isang Boston University graduate na babaing Chinese citizen. Ilang oras makaraan ang pagpapasabog, inilabas ng FBI ang CCTV ng dalawang suspect. At ilang oras pa ang nakaraan, napatay ang isa sa mga suspect. Ang isa pa ay nahuli noong Sabado. Magkapatid ang suspects (edad 26 at 19) na nagmula sa Chechnya, isang Russian region.
Makaraan ang pambobomba sa Boston, naghigpit agad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Lahat ng mga dala-dalahan ng pasahero ay binubusisi kaya humaba ang pila sa airport. Pati ang Immigration authorities at Philippine Coast Guard ay grabe rin ang paghihigpit. Lahat nang gamit ng pasahero ay hinahalungkat at pinaaamoy sa aso. Baka may makalusot na bomba.
Tanong: Hanggang kailan ang paghihigpit na ito? Palalamigin lang ang Boston bombing at balik uli sa dating nakagawian? Sana, maging bahagi na ang paghihigpit sa lahat ng oras. Maging aral na ang nangyari sa Boston. Huwag maghigpit kung kailan mayroong sumabog at may namatay. Naghihintay lamang ng pagkakataon ang mga terorista. Gawing regular ang pag-iinspeksiyon sa mga bus, LRT/MRT, barko at eroplano. Maging alerto naman ang PNP at lawakan pa ang kanilang intelligence gatherings.
- Latest