300 milyon umaasa sa Tubbataha Reefs
NADISMAYA si Presidente Noynoy Aquino nang iulat na isa namang lantsa ng Chinese poachers ang sumadsad nitong linggo sa North Atoll ng Tubbataha Reef Marine Park. Sino ang hindi magugulumihanan? E kaaalis lang nu’ng naunang linggo ang US Navy warship na sumadsad sa South Atoll nu’ng Enero at sumira sa 4,000 square meters ng bahura.
Mabilis humingi ng paumanhin ang US government, inalis ang krudo, at kinatay-katay ang barko. Nangako ito na magmumulta ng $1.4 milyon (P58 milyon), na takda ng Marine Park Protection Law.
Pero ano ang ibabayad ng Chinese poachers? Magnanakaw sila. Namamasok sa Sulu Sea, sa pagitan ng Palawan, Panay, Negros, Zamboanga Peninsula, Sulu, Tawi-Tawi, at Sabah. Paulit-ulit nilang nilalabag ang bansa dahil malamya ang trato sa kanila nu’ng kabuuan ng 9-1/2 taong termino ni Gloria Arroyo. Brinaso pa ng Malacañang ang Palawan provincial prosecutor at jail warden para palayain ang sampung recidivist poachers. Napigilan lang ang pag-alis ng mga magnanakaw nang harangin ng mamamayan ang eroplano sa airport runway.
Binubuo ng 97,030 hectares ang karagatang Tubbataha; tinuturing na UNESCO World Heritage Site ang 130,028 hectares. Ang North Atoll, 45 hectares; South Atoll; 150 hectares; at Jessie Beazley Reef, 30 hectares.
Ang atoll ay palibot na koleksiyon ng bato at bahuÂra kung saan nakukulong ang buhangin. Dahil mas maÂbabaw ang gitna, doon nangingitlog at nanginginain ang mga paslit na isda, tulad ng tuna. Kapag malaki na sila, lumalangoy sila pa-Timog, at lumalabas sa Celebes Sea. Doon sila hinuhuli ng mga Pilipino, Indonesian, Malaysian, at Bruneian. Mahigit 300 milyon katao ang umaasa sa Tubbataha para sa pagkaing dagat. Gan’un ito kahalaga sa sangkatauhan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest