Nakahahawa ang bulutong-tubig
ANG bulutong-tubig (chickenpox) ay isang sakit ng kabataan. Ito ay nanggagaling sa varicella-zoster virus.
Madaling malaman kung ang pasyente ay may bulutong tubig. Nag-uumpisa ito na parang trangkaso na may lagnat, ubo at sakit ng ulo. Pagkatapos ay may mga kakaibang butlig na maglalabasan sa mukha, ulo, dibdib at likod ng pasyente.
Nag-uumpisa ang mga pantal na parang mga tagihawat. Pagkatapos ay lalaki ito na parang blister at magkakaroon ng likido sa loob. Pagkaraan ng ilang araw, matutuyo na ang blister at naglalangib ito (crust and scab).
Nakahahawa ang pasyenteng may bulutong-tubig mula 2 araw bago lumabas ang mga pantal, hanggang sa maglangib na ang lahat ng pantal. Sa panahong ito ay dapat hindi muna pumasok sa trabaho o eskwelahan ang pasyente. Napapasa ang virus sa iba sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing.
Gamot sa bulutong-tubig:
1. Magpatingin sa doktor kapag naging mapula at masakit ang mga pantal dahil posible itong nagkaimpeksyon.
2. Kapag ang pasyente ay may edad na, puwedeng bigyan ng doktor ng gamot (tulad ng Acyclovir) na magpapabilis sa paggaling. Kailangan lang maumpisahan agad ang gamot sa loob ng 24-48 oras pagkalabas ng pantal.
3. Kapag mahapdi ang pantal, puwedeng uminom ng mga pain relievers tulad ng paracetamol tablet. Bawal ang aspirin sa mga batang edad 16 pababa.
4. Maghanda ng isang litrong tubig at lagyan ng 1 kutsaritang asin. Ibuhos ang solusyon na ito sa lugar ng butlig. Pagkatapos ay dampi-dampian ang mga pantal para matuyo.
5. Huwag putukin o kamutin ang mga butlig at baka ito magkaroon ng impeksyon. Puwedeng pahiran ng Calamine lotion ang mga butlig.
Bakuna sa bulutong-tubig:
Para makaiwas sa komplikasyon, dapat pÂabakunahan ang laÂhat ng bata kontra bulutong-tubig. Ang unang bakuna ay biniÂbigay sa edad 12-15 buwan ang bata, at ang pangalawang ba kuna ay sa edad 4-6 taong gulang. Ang mga batang mas matanda sa 7 taon na hindi naÂpabakunahan ay puwede pang humabol sa bakuna para sa bulutong-tubig. Magtanong sa inyong doktor.
Tandaan lamang na kahit nabakunahan na ang bata ay posible pa rin siyang magkaroon nito. Pero may tulong ang bakuna dahil mas makalalaban na ang kanyang katawan kontra sa virus at madali siyang gagaling.
- Latest