Kuryente, katahimikan, kaunlaran
IISIPIN mo, na sa panahong ito ay hindi na dapat problema ang kuryente. Dahil sa modernong teknolohiya, madali na dapat gumawa ng kuryente na magsisilbi sa malawakang lugar. Iisipin mo rin na dapat wala nang lugar sa Pilipinas na wala pang kuryente. Pero ang malungkot na katotohanan ay malaking problema pa ang kuryente, lalo na sa isla ng Mindanao.
Sa kasalukuyan, nakakaranas ng pito hanggang walong oras na walang kuryente, dahil sa inaayos ang mga planta na naluma na ng panahon. Ito ang matagal nang problema ng Mindanao. Walang mga bagong planta ng kuryente, dahil na rin siguro sa mga problema ng kapayapaan sa maraming lugar. Ngayong may kasunduan na sa pagitan ng gobyerno at ng MILF, sana manahimik na rin ang rehiyon, para makapagsimula ang kaunlaran ng lugar, kung saan napakaraming oportunidad para ma-ging maunlad. Pero para makapagsimula ang kaunlaran, kailangan may maayos at maasahang kuryente.
Paano nga naman makakapasok ang mga malala-king korporasyon, kung hindi maaasahan ang kuryente? Noong matindi ang mga brownout dito sa Metro Manila noong mga taong 1993-94, maraming negosyo ang nahirapan magpatakbo nang maayos. At nahirapan rin ang taong-bayan. Mga minalas na gabi ang kanilang takdang oras ng brownout! Kaya hindi ko maisip ang dinadaanang kahirapan ng mga taga-Mindanao, lalo na’t tag-init na!
Ito ang kailangang tutukan ng DOE. Siguro hindi lang sa Mindanao kundi sa buong bansa. Mga luma na rin ang mga planta ng kuryente sa Metro Manila, at maaaring bumigay na lang kahit anong oras. Marami na ang nagbabala na magkakaroon ng pagkukulang ng kuryente sa buong bansa sa mga darating na taon, kung walang karagdagang planta ang itatayo. Binalak buhayin ang Bataan Nu-clear Power Plant, kung saan bilyong piso na ang ginastos, para sa wala! Pero pagkatapos mangyari ang lindol sa Japan, tila nahinto ang plano.
Hindi lang ang pagtayo ng mga bagong planta ang kailangan ng bansa, kundi ang pagiging mura na rin ng kuryente!
Ang Pilipinas na yata ang may pinaka-mahal na kuryente sa mundo. Kung wala ring makakabayad, o pampabigat lang din sa mga mamamayan, paano uunlad ang isang negosyo?
- Latest