^

PSN Opinyon

“Ang Lihim ni Kissa” (Unang Bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Ang isang trahedyang basta na lamang lumagapak sa iyong paanan, iiwan kang tuliro at wala kang magawa kung hindi tanggapin ang lahat ng sasabihin sa iyo, bilang totoo. Subalit isang hibla lang ng pagtataka ang umusli mula sa una mong pinaniwalaan, tiyak uusbong ang iba’t-ibang alinlangan.

Ganitong klase ng damdamin ang nagtulak kay Terzo “Boyet” A. Blanco—52 anyos, isang negosyante at konsehal ng Hinundayan, Leyte upang siyasatin ang kaso ng umano’y pagpapakamatay ng kanyang panganay na anak.

Alas-3 ng hapon ng Mayo 25, 2011 nung matuklasang patay si Kissarne  “Kissa” Louise A. Blanco—18 taong gulang, isang Nursing student sa FEU, sa loob ng kanyang kuwarto sa bahay ng kanyang lola na si Ma. Celestina B. Shute—74 anyos sa Pleasant View Subd. Tandang Sora, Quezon City.

Ang mga unang nakaalam ng pangyayari ay ang mga kasama ni Kissa sa bahay. Ang kapatid ni Boyet na si Dolores Cazon—48 anyos, bayaw na si Police Superintendent Felipe “Tito” Cazon, Jr.—51 anyos, at anak nilang si Nico Cazon—18 anyos, mga kasambahay na si Herminilita “Bebe” Payo at Yolanda Estrada, at driver nilang si Enrique Antipala. Nasa Leyte si Celestina nung araw na maganap ang insidente.

Bago mag-alas-4 ng hapon, rumesponde na ang mga pulis sa pangunguna ni PO2 Al Ponferrad ng QCPD Station 3, at SPO2 Neil Garnace ng Criminal Investigation and Detection Unit(CIDU Q.C.).

Alas-5 diyes ng hapon dumating ang SOCO upang iproseso ang  kanilang pagkalap ng ebidensya. Sa tukador natagpuan nila ang isang bote ng San Miguel Pale Pilsen. Nasa higaan ni Kissa ang kanyang laptop at cell phone, isang hiringgilya(syringe) na may lamang likido, at mga piraso ng papel na mga sinulat ni Kissa na natagpuan sa isang envelope. Minarkahan nilang may nakita silang “ligature mark” sa leeg ng dalaga.

Sa isang ulat na pirmado ni SOCO Team Leader P/Insp. Ronald G. Mendoza sinabi sa kanya ni Tito na sila na ang magpapa-autopsy sa labi ni Kissa sa puneraryang kanilang pagdadalahan.

Hindi na siya tumutol dahil nalaman niya mula sa mga kasamahan na isang kernel ito at hindi na rin pumayag ang lola ni Kissa na si Celestina dahil hindi niya gusto ang gagawing proseso ng autopsy.

Tumawag si Dolores sa tiyuhing na nasa Leyte para ipasabi kay Boyet ang nangyari. Nanghina ang mga tuhod ni Boyet at Cecillia nung marinig ang balita. Hindi pa maikundisyon ni Boyet at Cecil ang sarili sa natanggap na balita kaya pinauna nang paluwasin ng Maynila ang inang si Celestina.

Kinabukasan, alas-7 ng umaga dumating silang pamilya sa St. Peter Funeral Chapel sa Quezon City kung saan inilagak ang labi ni Kissa.

“Boyet, tanggapin na lang natin nang maluwag ang  nangyari kay Kissa para wala na lang sisihan,” sabi umano sa kanya ni Dolores.

Agad niyang kinausap ang bayaw niya tungkol sa mga nangyari. Kuwento ni Tito kay Boyet, nung araw na yon, napagdesisyunan niyang sa bahay kumain ng tanghalian pagkatapos ng kanyang klase sa OSEC.

Nag-text siya kay Dolores na noon ay naidlip sa kanyang kuwarto. Alas-10 ng umaga ay nagpunta si Dolores kasama ng anak na si Nico sa bangko sa Ortigas para kunin ang “chattel mortgage” ng kanilang biniling Starex Van, dahil tapos na nilang hulugan ito. Alas-2 y medya na ng hapon sila nakauwi.

Pagdating ng bahay ni Tito nung alas-3 ng hapon, habang nasa mesa ay tinanong nila si Bebe kung kumain na ng tanghalian si Kissa.

“Hindi pa. Kanina ko pa ginigising si Kissa simula kaninang alas-11 pero hindi po sumasagot,” sabi umano ni Bebe.

“Ano? Hindi pa nananghali!? Tulog lang simula pa kanina? Nako, puntahan mo nga gisingin mo,” sabi ni Dolores sa kasambahay.

Palakas nang palakas at halos kinakalampag na ni Bebe ang pinto ni Kissa ngunit hindi pa rin sumasagot. Kinabahan na si Dolores at Tito kaya’t tumakbo na sila papanhik sa kuwarto.

Tinawagan ni Dolores sa cell phone si Kissa ngunit wala pa ring sagot. Napilitan na si Tito na puwersahang pihitin ang doorknob ng pinto ngunit nakakandado ito kaya’t pinatawag na niya ang dalawa nilang karpintero na gumagawa sa kanilang tindahan para distrungkahin na ito.         

Agad nilang tinulak ang pinto at tumambad sa kanilang paningin si Kissa na may nakapalibot na puting sinturon sa kanyang leeg na nakasabit sa bakal ng pangalawang kama at nakaupo (sa ibabang bahagi).

Ang kanyang mga hita ay unat at magka-ekis ang kanyang mga paa. Naiwang bahagyang naka-angat ang braso niya pataas at nakabilog ang kanyang kanang kamao habang ang kaliwa ay bahagyang nakabuka. Laylay pakaliwa ang ang kanyang leeg habang nakapikit at nakalawit ang dila.

“Naku ser! Nagbigti!,” naibulalas umano ng karpintero. Napahiyaw si Dolores nung makita ang pamangkin. Napatakbo siya sa loob ng kanilang kuwarto at paulit-ulit tinapik ang mukha.

“Diyos ko! Diyos ko! Panaginip lang ito! Panaginip lang po sana ito!,” tarantang taranta sinasabi ni Dolores sa tapat ng kanilang altar.

Agad pinahanda ni Tito kay Enrique ang sasakyan para maitakbo sa ospital pero nung mapulsuhan na patay na talaga si Kissa, dun na  nagdesisyon si Tito na tumawag na ng pulis.

Tinanong ni Boyet sa bayaw kung ano ang dahilan ng pagpapakamatay ni Kissa.

“May tampo sa inyo ang  bata dahil ayaw ninyong pauwiin ng probinsya para magbakasyon,” sagot umano ni Tito.

Takang-taka si Boyet sa dinahilan na ito sapagkat tatlong araw mula noon ay tinawagan niya ang anak para bumili na ito ng ticket pauwi ng kanilang probinsya. Malabnaw para sa kanya ang mga dahilang ito kaya’t inandaran na siya ng matinding pagdududa.

Nadagdagan pa ito nung nakausap sa burol ang driver na si Enrique. Siya raw umano ang nagbukas ng pintuan at kasabay niyang pumasok si Nico. Dinampot daw ni Nico ang cell phone ni Kissa at tinignan ang lahat ng ka-text nito at nakita niya umanong may binubura itong mga mensahe.

Dito na kinutuban si Boyet kaya’t kinausap na niya nang deretsuhan si Tito, Dolores at ang kanilang ina na si Celestina. “Mababaw ang mga dahilan na binigay ninyo! Hindi ako naniniwalang nagpakamatay ang anak ko. Hahanapin ko ang  hustisya para sa kanya!” sabi ni Boyet.

ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa BIYERNES. EKSKLUSIBO dito sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.  (KINALAP NI PAULINE VENTURA)

Sa gustong dumulog ang  aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393 . Ang  landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

 

Follow us on twitter: Email: [email protected]

vuukle comment

BOYET

DOLORES

KANYANG

KISSA

TITO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with