Mga mata alagaan, traydor na glaucoma manmanan
LUMALAGANAP ang nakabubulag na sakit na glaucoma, ayon sa mga eksperto. Pasira nang pasira ang paningin ng 70 milyong tao sa mundo dahil sa karamdamang ‘yon. At sa taong 2020, mga 11.2 milyon sa kanila ang wala nang makikita sa parehong mata.
Kapag may glaucoma, hindi lumalabas nang lubos kasama ng luha ang optic fluids sa likod na mata. Parang drain ng lababo, nagbabara ang optic nerves, na nagsi-signal sa utak ng mga nakikita ng mata. Nasisira ang optic nerves, kaya wala nang maipadalang signals sa utak.
Hindi nakakahawa ang glaucoma, pero kahit sino ay maari tamaan. Kadalasan nagkaka-glaucoma ay mga seniors, pero maaring isilang ang sanggol na meron agad kapansanan, at mga kabataan na nabugbog ang mata sa sports o aksidente. Hindi na gumagaling mula sa glaucoma; napapabagal lang ng ophthalmologist ang pagkabulag.
Mana-mana ang glaucoma, nasa lahi o pamilya. Tinatamaan din ang mga matagalang nag-i-steroid, diabetics, at mga Asyano. Kaya’t kailangan regular na magpatingin ng mata: Tuwing limang taon kapag bata, at taon-taon pagtuntong sa edad-45. Kapag na-detect agad, malulunasan din agad.
Dalawang klase ang glaucoma: primary open-angle, at angle-closure. Sa una, hindi napapansing unti-unti nabubulag ang parehong mata, mula sa gilid (peripheral vision) patungo sa gitna (tunnel vision). Ang symptoms sa ikalawa: pananakit at pamumula ng mata, pagkahilo, pagsusuka; biglang panlalabo ng paningin; at halo sa paligid ng ilaw.
Mula bukas hanggang Sabado, Marso 10-16, idadaos ang World Glaucoma Week. Sa maraming aktibidades, ipapaalam ng Philippine Glaucoma Society ang mga peligro -- para mabawasan ang pagkabulag.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:jariusbondoc@gmail.com
- Latest