EDITORYAL - Palpak na election gun ban
BAWAL ang baril kapag nalalapit na ang eleksiyon. Ang mahulihan ng baril ay may mabigat na kaparusahan. Maski pulis na nakasibilyan ay hindi maaaring magdala ng baril. Kailangang may kaukulang dokumento siyang maipakita para makapagdala ng baril. Pero sa kabila nang pagbabawal sa pagdadala ng baril, mas lalo namang dumami ang lumalabag at maski pulis ay nagdadala rin ng baril kahit hindi naka-duty. Palpak na election gun ban.
Kahapon ng madaling araw, isang taxi drayber ang binaril ng kanyang pasahero sa Fajardo St. Sampaloc, Manila. Ayon sa witness, naglalakad siya nang makita ang isang lalaki na nagmamada-ling lumabas sa taxi. Nang lapitan niya ang taxi, nakalugmok ang drayber sa kanyang manibela at patay na. Noong Huwebes, isang 26-anyos na babae ang binaril at napatay ng isang lalaking kumatok sa kanilang bahay dakong alas tres ng madaling-araw. Walang anumang nakatakas ang lalaking bumaril. Kasabay ng pangyayaring iyon, isang 53-anyos na babae rin ang binaril nang tumangging ibigay ang kanyang bag na may pera sa Taguig City. Noong Lunes, isang junkshop owner ang binaril sa Novaliches, QC matapos holdapin ng riding-in-tandem. Ilang oras ang nakalipas, isang barangay tanod naman ang binaril at napatay din ng riding-in-tandem sa Payatas, Quezon City.
Parang naging tau-tauhan ang Philippine National Police (PNP) sapagkat walang takot ang mga criminal kung sumalakay at mambiktima ng inosenteng mamamayan. Maski ang mga taga-sunod ng Sultan ng Sulu ay nakapagpuslit ng baril patungong Sabah. Bakit hindi sila napigilan? Dahil may baril, nakipagbakbakan sila sa Malaysian forces at maraming nalagas na buhay.
Walang katuturan ang election gun ban. Ano ang nangyayari sa PNP at kahit kabi-kabila ang checkpoint ay may nakalulusot na baril? Nararapat pang paigtingin ang pagbabantay.
- Latest