Sabah claim huwag ibasura
SA maagang bahagi ng administrasyong Marcos, nagkaroon ng lihim na operasyon sa pagbawi ng Pilipinas sa Sabah mula sa Malaysia. Oplan Jabidah ang ibinansag dito.
Kaso, maaga itong nabuking kaya hindi naisakatuparan.Nabisto ito nang imasaker umano ng mga kawal ng AFP ang mga Muslim recruits sa Corregidor na umaayaw sa paglusob sa Sabah para bawiin ang lalawigan.
Ang Sabah na dating bahagi ng bansa at pag-aari ng Sultante ng Sulu. Ngunit dumating ang punto na ang lalawigan ay inupahan ng Britanya sa Sulu nang sakupin nito ang Malaysia.
Maraming dekada na ang nakalipas at kahit hindi na sakop ng Britanya ang Malaysia, tila nagkalimutan nang isauli ito sa tunay na may-ari na ngayo’y binabayaran pa rin ng napakaliit na token amount. Kaya ngayon ay nabuhay ang interes ng sultanate na bawiin ang Sabah. Mahigit sa 200 royal forces nito ang nagkukuta ngayon doon at kahit anong panawagan ang gawin ng Pilipinas at Malaysia ay ayaw nang umalis doon dahil ito raw ay kanilang pag-aari. Sinasabing 15 katao na ang napatay nang gumamit ng puwersa ang Malaysia.
Sa pananaw ng Sultan ng Sulu, sa Malaysia pa pumapanig ang ating pamahalaan na tila wala nang kainte-interes na sumuporta sa pagsisikap na mabawi ang Sabah. Ngunit sabi ng Malacañang hindi inaabandona ng gobyerno ang paghahabol sa Sabah taliwas sa alegasyon ni Sultan Jamalul Kiram III.
Noong panahon ni dating Presidente Ramos, isinaisantabi muna ang paghahabol na ito dahil hindi makabubuti sa magandang ugnayan ng Malaysia at Pilipinas. Ngunit kung hindi pa rin tayo gagawa ng aksyon, kailan pa maibabalik sa atin ang Sabah.
Ang kailangan lang ay daanin sa negosasyon. Gumawa ng letter of intent ang Pilipinas kaugnay ng usapin at himukin ang pamahalaan ng Malaysia na mag-usap para talakayin ang isyu. Kung ibig ng Malaysia na ituloy ang paÂngungupahan sa Sabah, aba’y magbayad naman ng disenteng halaga. Malaki ang pakinabang ng Malaysia sa Sabah kaya dapat lang silang magbayad ng naaayon sa biyayang nakukuha nila.
- Latest