^

PSN Opinyon

“Silakbo sa Dagat”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

WALANG katotohanang di nabubunyag. Kahit gaano mo itago ang isang bagay na bulok, aalingasaw pa din ito.

Sa tuwing mahahagip ng paningin nila ang lambat, nadudurog ang kanilang puso dahil sa trahedyang naidulot nito sa kanilang pamilya.

Bakas ng lungkot ngunit mababanaagan ng tapang ang mga mata ni Winky Adrias mas kilala sa tawag na “Vic”, 33 taong gulang, nakatira sa Batangas nang magtungo siya sa aming tanggapan.

Inilalapit niya ang pagpatay sa nakababatang kapatid na si Eugene “Nonoy” Mansayon, 31 taong gulang, isang mangingisda, tubong Masbate.

 Palakaibigan, malambing sa magulang at kapatid itong si Nonoy.

Alas tres pa lang ng madaling araw sumasakay na ito sa kanyang bangkang de motor. Kasama ang bayaw na si Julito Roxas upang mangisda. Alas siyete ng umaga kung hilahin nila ito para bumalik sa pampang.

Simple at maayos ang kanilang pamumuhay hanggang nung Nobyembre 4, 2012…bandang alas siyete ng umaga nagkaroon daw ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ni Nonoy at Samuel Dongon, nakatira sa Capacnotan, Mandaon, Masbate.

“Yung lambat daw ni Nonoy sumapaw sa labay ni Samuel. Pinutol niya ang lambat na kinabitan ng sima kaya nagalit,” kwento ni Vic.

Maaapektuhan ang kanyang hanap buhay dahil sa nangyari kaya ganun na lang ang pagkadismaya ni Nonoy nang makitang putol na ito. Nagkaroon umano ng sagutan sa pagitan ng dalawa.

Kinabukasan Nobyembre 5, 2012 pumalaot muli sina Nonoy at Julito. Kaunting-kaunti na lang ang hihilahing lambat nang barilin umano ni Samuel si Nonoy. Nakasakay ito sa bangkang may pa­ngalang “TAN-TAN” kasama ang isa pang lalaki.

Agad ipinaalam ni Julito sa pamilya ang nangyaring pamamaril. Dumiretso ang tatay ng biktima na si Rolando sa estasyon ng pulis upang magpa-blotter.

Ika-pito ng Nobyembre taong 2012 kusang loob na sumuko sa pulis si Samuel sa Mandaon Police Station. Agad na sumugod ang pamilya Mansayon. Gustung-gusto nilang lapitan itong si Samuel at komprontahin ngunit hindi umano sila pinayagan ng mga pulis.

Kinabukasan, Nobyembre 8, 2012, nagsampa na ng kasong “Murder” sina Rolando laban sa akusado. Pinagtibay ito ng isang testigo na nakakita sa nangyaring krimen.

Ayon sa salaysay ni Julito, “Noong Nobyembre 5, 2012, nakasakay kami ni Nonoy sa isang bangka at hinihila ang lambat na inilatag. Nakita ko si Samuel Dongon at isang kasama na nakasakay sa isa pang bangka at armado ng baril. Nakita kong binaril si Nonoy hanggang sa mamatay.”

Mariing itinanggi ni Samuel ang paratang na ito at sinabing walang katotohanan ang lahat at gawa-gawa lang sa kanyang kontra-salaysay.

Base sa kontra salaysay, “Nung mga panahong yun nasa bahay ako kasama ang aking asawa na si Marivic Dongon at ng aming siyam na anak. Hindi ako nangisda dahil masama ang pakiramdam ko at buong araw akong nanatili sa bahay.”

Gawa-gawa lang umano ang mga ito dahil sa police blotter nung Nobyembre 8, 2012 ni PO1 Caesar Neptali A. Oliva, ang ama ng biktima ay nagpunta sa estasyon ng pulis at sinabing binaril ang kanyang anak ng di kilalang tao. Kinukuwestiyon niya din kung bakit kailangan pang umabot ng tatlong araw ang imbestigasyon bago matukoy kung sino ang pumatay.

“Bakit kailangan pang magpunta ng mga pulis sa Brgy. Tumalaytay upang hanapin ang ‘pump boat’ na may pangalang TAN-TAN para malaman kung sino ang pumatay? Ito ay taliwas sa sinasabi ni Julito na nakilala niya ang bumaril,” dagdag pa sa kontra-salaysay.

May isa pang lumutang na testigo, si Ednir Rutor. Ayon sa kanya, hinanap niya ang motor boat na may pangalang Tan-Tan. “Sa Sitio Paradahan nagtanong ako sa mga bata kung nakita nila ang bangkang may pangalang Tan-Tan, at sabi nila nasa Capacnotan daw. Nang magpunta ako sa Capacnotan, may nakita akong pumpboat na pininturahan at nalaman kong ito ang bangkang may pangalang Tan-Tan.”

“Kahit po inis-is na yung pangalan sa bangka halata pa rin ang nakasulat na Tan-Tan kung titingnang mabuti,” kwento ni Vic.

Ayon naman sa post mortem report ang dahilan ng pagkamatay ni Nonoy ay mga tama ng bala sa leeg, kaliwang balikat, kaliwang kamay at likod. ‘Multiple gunshot wounds’.

Upang mas maging malinaw sa amin ang mga kaganapan, tinawagan namin si Julito para maisalaysay niya ang pangyayari. Kinumpirma niyang nagkaroon nga ng sagutan sa pagitan nina Nonoy at Samuel noong Nobyembre 4, 2012 dahil sa pagputol ni Samuel sa lambat. Sa bangkang may pangalang Tan-Tan umano ito nakasakay.

Ikalima ng Nobyembre 2012, nang papunta na umano sila sa kanilang pwesto para maglatag ng lambat nakita niyang nakatambay ang bangkang Tan-Tan, sakay nun si Samuel at isang di nakilalang tao.

Nang kakaunti na lang ang hihilahin nila bigla umanong lumapit sina Samuel at binaril si Nonoy. Nakita niyang bumagsak ang katawan ni Nonoy sa karagatan. Dahil sa takot agad niyang pinaandar ang bangka at dali-daling lumayo sa lugar. “Buti di nila ako hinabol,” sabi pa nito.

Hanggang ngayon nakakulong pa din si Samuel sa Masbate Police Station. Hindi pa nagkakaroon ng hearing.

 â€œWala po kasi kaming pera pambayad ng abogado. Ang gusto namin makamit na ang hustisya. Ang piskal tuwing pupuntahan namin laging wala kaya hindi umuusad ang kaso,” samo ni Vic.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11am-12pm) ang kwentong ito ni Vic.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang sinasabi may iba pang kasama itong si Samuel dahil multiple gunshot wounds ang ikinamatay ni Nonoy. Kailangang malaman sa ‘ballistics examination’ kung ano-ano ang kalibre ng baril ang ginamit.

Pangalawa yung imbestigador dapat alam niya kung sino-sino ang pumapalaot sa Tan-Tan para malaman nila kung sino ang kasama ni Samuel nung mga panahong yun.

Dahil sa salaysay na may kasamang isa pang tao si Samuel, kahit hindi siya nagpapaputok may legal na prinsipyo tayong ‘the act of one is the act of all’. Ito ang anggulo ng sabwatan o ‘conspiracy’ dahil kung wala siyang kinalaman dapat inereport niya agad ito sa pulis.

Sumuko itong si Samuel at itinatanggi niyang siya ang nasa likod ng krimen. Ang positibong pagkilala ni Julito ay mabigat na batayan sa kasong ito.

Sa isang ‘preliminary investigation’ ang hinahanap ay ‘probable cause’ at malamang makikitaan ito dahil sa pahayag ni Julito at ang mabilisang pagpalit ng markang Tan-Tan na pangalan sa bangka.

Sa pagitan ng alibi o pagtanggi at pagsabi na di siya ang gumawa at isang positibong deklarasyon ng isang testigo na kinikilala ang salarin ang huli ang parating mas binibigyan ng timbang ng taga-usig.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213263166 (Aicel) 09198972854 (Monique) o 09213784392 (Pauline). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor City­State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Follow us on twitter: Email: [email protected]

 

DAHIL

JULITO

KUNG

NOBYEMBRE

NONOY

SAMUEL

TAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with