Hinaing sa Philippine Embassy sa Kuwait
NAPAG-USAPAN namin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang hinaing ng mga OFW sa ilang opisyal ng Philippine Embassy sa Kuwait. Isa rito ay tungkol sa pagkamatay ng isang OFW doon dahil sa cancer. Matagal umanong naratay sa ospital ang OFW at nalulungkot na sinabi nito na wala man lang kinatawan ng embassy na nag-asikaso sa kanya.
Sa patuloy na paghina ng OFW, nagdesisyon itong humingi ng tulong sa mga kakilala upang makauwi sa Pilipinas at makapiling ang pamilya. Gayunman, sa Kuwait na ito namatay.
Nagbigay umano ng kaunting pera sa Philippine Embassy ang employer nito upang matulungang maiuwi ang kanyang bangkay. Nagtulung-tulong din ang mga Pilipino roon upang makalikom ng pandagdag sa gastusin at bilang tulong sa pamilya ng namatay. Nalaman din nila na may nakalaang pondo ang Philippine government sa ganitong sitwasyon. Pero nagtaka sila kung bakit tumagal nang maraming araw bago naiuwi ang bangkay.
Umusbong ang maraming katanungan tungkol sa ayuda na dapat sanang natatanggap ng OFWs sa Philippine Embassy, partikular mula sa tanggapan ng Assistance to the Nationals Unit (ATNU) na pinamumunuan ni Jack Tanandato. Naungkat ang marami nang puna kay Tanandato hinggil sa kuwestiyunable umanong pag-handle nito sa mga usapin ng mga nagkakaproblemang OFW.
Kasabay nito, gumawa ng petisyon ang mga kabaÂbayan upang hilinging panatilihn sa puwesto si Philippine Labor Attache to Kuwait David Dicang na anila’y isa sa tunay na nagpapakita ng malasakit sa kanila.
Pero nagulat sila nang may ilang tauhan ng embahada na nagsimula umanong mang-harass sa kanila sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagtawag sa kanila sa telepono, pagtataas ng boses at may himig pananakot na pagkausap sa kanila, at iba pa. Nananawagan ang mga kababayan kay Foreign Affairs Undersecretary Rafael Seguis at iba pang kinauukulan na aksyunan ang kanilang problema.
Ayon kay Jinggoy, tututukan niya ang usaping ito.
- Latest